Minahan ng diamond sa Arkansas, bukas na sa publiko
ANG Crater of Diamonds State Park ay matatagpuan sa Murfrees Boro, Arkansas at sinasabing ito ang nag-iisang minahan ng diyamante sa buong mundo na bukas sa publiko. Kahit sino ay puwedeng pumunta sa nasabing parke at maghukay at angkinin ang diyamanteng kanilang mahahanap.
Ayon sa mga namamahala ng minahan, nasa 600 pirasong diyamante ang natatagpuan ng mga bumibisita sa kanilang parke taun-taon. Sa kabuuan ay nasa 75,000 piraso ng diyamante na ang nahuhukay mula sa lugar simula nang maging minahan ito noong 1906.
Nalugi ang kompanyang nagmimina sa lugar kaya naisip ng mga may-ari ng minahan na buksan na lang ito sa publiko at maglagay na lang ng entrance fee para sa mga gustong maghanap ng diyamante. Kalaunan ay binili ang minahan ng gobyerno kaya ngayon ay isa na itong state park.
Ilang mamahaling diyamante na ang natagpuan sa lugar, kabilang na ang 40-carat ‘Uncle Sam’ na sinasabing pinakamalaking diyamante na nadiskubre sa United States. Ang 16-carat ‘Amarillo Starlight’ naman ang pinakamalaking diyamante na natagpuan ng isang bisita simula nang buksan ang minahan sa publiko.
May mga piraso ng diyamante na masyadong maliliit para gawing alahas ang natatagpuan din ng mga bumibista sa parke.
Daang libong amateur miners taun-taon ang nagbabakasakaling makahanap ng isang mamahaling bato na magpapayaman sa kanila.
- Latest