Ang muling pagpapatupad umano ng odd-even scheme ang nakikitang solusyon para maibsan ang matinding trapik sa mga lansangan partikular sa Metro Manila.
Ito ang mismong ipinahayag kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino .
Kailangan daw hatiin ang mga sasakyan na bumibiyahe sa mga lansangan, na ito na ang umano’y pinakaradikal na solusyon para kahit papaano’y masolusyunan ang matinding trapik.
Hindi pa malinaw kung ang scheme na ito ay katulad na katulad o kagaya sa ipinatupad noong panahon ni Pangulong Fidel Ramos noong 1996 o posibleng baguhin.
Kung itutulad lang ito sa dati, tatlong araw na hindi makakabiyahe ng sabay-sabay ang mga sasakyang ang plaka nagtatapos sa even numbers, at ganun din ang odd numbers, pwera na lang kung araw ng Linggo na walang ipapatupad na anumang pagbabawal.
Mabigat-bigat ito, kumpara sa kasalukuyang number coding na isang araw lamang masasakripisyo ang sasakyan kumporme sa araw kung saan ang huling numero sa plaka ay ipinagbabawal.
Bukod dito, may ipinatutupad pa rin ditong window kung saan pagkatapos ng rush hour kahit coding sa araw na yon ay pwede ka ng makabiyahe.
Kung tutuusin totoo naman na sangkaterba na ang sasakyan sa Pinas, dumarami ang mga sasakyan pero hindi nadaragdagan ang mga lansangan kaya doon nagsisiksikan, pero hindi lang marahil ito ang dahilan kung bakit matindi ang trapik.
Isama pa rito ang mga sasakyan na walang parking at kalsada ang ginagawang paradahan na nagiging sabagal sa daloy ng trapiko.
Isama na rin dito ang hindi masistemang pagpapatupad ng batas trapiko, gayundin ang mga nagiging sagabal sa maliliit nang mga daan.
Dapat na tanggapin na pansamantala lamang solusyon ang sakali ay ip[apatupad ang odd-even scheme, kaya ang marapat dito , ang maisip sana ng gobyerno ay ang pangmatagalang solusyon sa ugat ng problema.