SI William Moraca ay isang guro na nadestino sa Sitio Kolang, General Santos City upang turuan ang mga kabataan mula sa tribu ng T’boli at B’laan. Masigasig ang kanyang mga estudyante sa pag-aaral ngunit napagtanto niya ang mapait na katotohanan na walang magagawa ang sipag kung salat naman ang komunidad sa mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay katulad ng kuryente at tubig.
Dati nang pinangarap ni William ang maging isang inhinyero at natutunan niya ang paggawa ng generator na pinapatakbo ng ihip ng hangin mula sa isang vocational school. Kaya naman hindi siya nag-atubiling bumuo ng isang maliit na windmill na magbibigay ng ilaw sa mga tribung kanyang tinuturuan. Sa pamamagitan ng portable windmill na kanyang naimbento ay nagkaroon ng kuryente ang humigit-kumulang na 40 pamilya sa kanilang lugar.
Hindi ito ang unang beses na nakatulong si William sa isang komunidad. Dati siyang nadestino sa Sitio Datal Savan na kalapit na sitio lang. Kakulangan naman sa tubig ang problema sa nasabing lugar ngunit nasolusyonan niya rin ito sa pamamagitan ng pag-iimbento ng isang pump na gawa mula sa mga magnet na kanyang kinuha mula sa mga laruan at appliances sa bahay. Sa pamamagitan ng kanyang imbensyon ay nagawang makakuha ng mga taga-Datal Salvan ng tubig mula sa kalapit na batis.
Sa sobrang pasasalamat ng mga taga-Datal Savan ay nagsiiyak ang mga bata nang malaman nilang sa ibang lugar na madedestino ang kanilang ulirang guro. Muntik na ring barikadahan ng taumbayan ang eskuwelahang pinagtuturuan ni William upang mapigilan ang kanyang paglipat sa kabilang bayan.