SA desperasyon na mapataas ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang bagsak na koleksyon, ang mga pobreng overseas Filipino worker (OFW) ngayon ang kanilang pinagdidiskitahan.
Sa bagong polisiyang ipinatutupad ni Commissioner Alberto Lina, bawat balikbayan box para sa mga kaanak ng mga OFW, kinakailangan munang buksan at kalkalin sa Customs. Baka daw kasi may nakatagong kontrabando o ‘di naman kaya ilegal na droga.
Isa rin daw sa mga dahilan ay baka sobra-sobra sa $500 o katumbas ng mahigit P22,000 ang halaga ng mga pasalubong kaya dapat buwisan.
Lumalabas, ang mga maliliit na OFW ngayon ang sini-sentro ng pamahalaan. Ang mga talagang magnanakaw na smuggler, pinipikitan nalang.
Para bang ayos lang na magpuslit sila ng mga bigas na bilyones ang nawawala sa kaban ng bayan o di naman kaya ng mga mamahaling sasakyan, basta ang mga OFW, dapat nilang mabantayan.
Wala pang malinaw na sagot ang Palasyo sa isyung ito maliban sa nauna nang sinabi ni Presidential Deputy Spokesperson Abigail Valte na nangangalap pa sila ng mga reklamo at sumbong ng mga OFW sa kanilang social media accounts. Tsk…tsk!
Hindi yata nauunawaan o sadya talagang ‘ob-ob’ lang si Lina para hindi malaman na mga OFW ang dahilan kung bakit lumulutang ang ekonomiya ng bansa.
Noong nakaraang taon 2014, mismong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nagkumpirma, $24 bilyones ang kontribusyon ng sektor ng mahigit sampung milyong Pilipinong nagtitiis malayo sa kanilang pamilya kapalit ng inaasam na magandang buhay.