SI Abumbi II ang ika-11 hari ng isa sa mga tradisyunal na kaharian sa loob ng Cameroon. Masasabing isa siya sa mga may pinakamaraming asawa sa buong daigdig dahil tinatayang nasa 100 ang bilang ng mga ito.
Umabot sa 100 ang asawa ni Abumbi II dahil ayon sa lokal na tradisyon ay minamana rin ng bagong hari pati ang mga asawa ng haring kanyang sinundan. Dagdag pa ito sa mga babaeng asawa niya mismo na marami rin ang bilang dahil sa pagiging legal ng polygamy sa Cameroon.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga asawang minamana dahil sila ang nagtuturo ng mga kailangang malaman ng isang bagong hari. Matagal na kasi silang naging mga reyna kaya alam na nila ang mga bagay na kailangang matutunan ng isang hari na kauupo pa lamang sa trono.
Nakikiusap naman si Abumbi II na huwag husgahan ang pagkakaroon niya ng maraming asawa. Kahit kasi sa Cameroon ay hindi gaanong katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng napakaraming asawa. Paliwanag naman ni Abumbi II na bahagi na ng tradisyon ng kanyang kaharian ang polygamy at wala itong pinagkaiba sa tradisyong sinusunod sa ibang kultura.
Ito ang dahilan kung bakit para sa kanya ay isang mahalagang obligasyon ang pagmamana sa dosena-dosenang asawa na iniwan ng dating hari.