‘Wala nang babalikan’

ANG PUNO NA IYONG ITINANIM, hihintayin mo ang tamang panahon  na ito’y mamunga para pitasin. Lahat ng pag-aalaga dapat mong gawin. Ingat lang at bantayan dahil pag ‘di ka nakatingin pati ang taong tumutulong sa iyo ang siyang tumangay ng dapat mong anihin.

“Pinagkatiwalaan mo, halos tatlong taon kaming nagsama. Ngayon hindi na siya nagpapakita,” ayon kay Henry.

Ipinakilala ng pinsan ni Henry Barsaga ang naging ka-live in niya sa loob ng tatlong taon.

Nagpunta lang daw siya ng Palawan at halos isang taon siyang namalagi doon. Pagbalik niya ng Maynila wala na ang kanyang kinakasama.

Kwento ni Henry naging katrabaho ng kanyang pinsan na si Eden Briones, 56 na taong gulang. Pareho silang taga Masbate pero magkaiba nga lang sila ng bayan. Niligawan niya ito at nagpasya na silang magsama taong 2001.

“Dun kami tumira sa bilas ko. Nagrerenta kami sa kanila pitong daang piso bawat tao sa loob ng isang buwan. Kasama na ang kuryente at tubig,” sabi ni Henry.

Nagbibigay na lang daw sila ng dalawang libo kada buwan para sa pagkain nila.

Nagtatrabaho si Henry bilang gwardiya, maliit lang ang kinikita niya kaya naisip niyang magpautang sa mga kasamahan.

“May tubo ang pagpapautang ko. Ako ang humahawak ng ATM nila at kinukuha ko ang perang pambayad nila. Kapag may natira ibinibigay ko naman sa kanila,” salaysay ni Henry.

Nang magbitiw siya sa trabaho lumipat na sila ni Eden sa Cavite. Nagbenta siya ng ‘fruit juice’ at malaki-laki din naman ang kinikita nito.

Kalaunan napagpasyahan niyang itigil na ang pagpapautang dahil malayo na din naman ang kanyang mga dating katrabaho.

Ang kanyang kinakasama ang hinayaan niyang humawak ng pera. Lahat ng nasingil nila kasama ang ipinangpuhunan at umabot ng mahigit kalahating milyong piso (Php500,000).

“Idineposito niya sa sarili niyang bank account. May tiwala ako sa kanya at live-in partner ko kaya hinayaan ko na siya,” sabi ni Henry.

Taong 2009 nang umuwi ng Palawan si Henry dahil nandoon ang kanyang kapatid. Nagtagal siya dun ng halos isang taon. Pagbalik niya sa Cavite wala na dun ang kanyang ka-live in.

Hinanap niya ito ngunit walang makapagsabi sa kanya kung nasaan ito. Dala nila ang kanyang pera kaya’t sinadya niya ito sa bahay ng pamilya sa Mobo, Masbate.

Nakausap niya ang bunsong kapatid ni Eden. Ayon dito wala na daw ang pera sa kapatid.

“Patawarin ko na daw si Eden. Hayaan ko na lang daw. Pwede ba naman ng ganun na lang yun, pinaghirapan ko ang perang yun,” ayon kay Henry.

Taong 2010 bumalik si Henry sa bahay ng kanyang ka-live in pero hindi niya din ito nakausap. Ang kanyang bilas ang humarap sa kanya. Pakiramdam niya tinatago na ng mga ito si Eden.

“Narinig kong bumubulong siya. Hiniwalayan na daw ako bumabalik-balik pa ako sa bahay nila,” wika ni Henry.

Hindi naman daw si Eden ang kanyang hinahabol kundi ang perang umano’y itinakas nito. Ang gusto niya maibalik sa kanya ang pera dahil hindi naman ito maliit na halaga. Hindi naman daw siya babalik-balik dito sa bahay nila kung walang itinakbong pera si Eden.

Ilang taon niya itong pinag ipunan at pinagtrabahuan. Wala man daw siyang ebidensiya na kinuha ni Eden ang pera alam naman daw nito ang katotohanan.

“Ibalik niya lang ang pera ko wala na kaming pakialamanan sa isa’t-isa,” ayon kay Henry.

Nais malaman ni Henry kung ano ang maaari niyang gawin upang makuha kay Eden ang kanyang pera.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang unang kailangang gawin ni Henry ay gumawa ng ‘demand letter’ at ipadala ito kung saang lugar niya alam na naroon si Eden.

Ilagay niya dun kung magkano ang kabuuang halaga ng perang binabawi niya. Magbigay siya ng ilang araw na palugit upang mabuo ni Eden ang halagang kanyang hinihingi.

Kapag wala siyang natatanggap na sagot mula sa kabilang panig maaari na siyang magsampa ng kasong sibil ang ‘Collection of Sum of Money’.

Ang balakid na nakikita ko dito ay baka mauwi ito sa ang sabi ni Henry sa sabi ni Eden.

Pagbabatayan ng korte kung alin ang mas malapit sa katotohanan at kung sino ang higit na paniniwalaan ng hukom ang mananaig.

 (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments