DALAWANG taon na ginamot at inalagaan ang Philippine Eagle na si Pamana at muling pinakawalan sa kagubatan ng Davao Oriental noong nakaraang Hunyo 12, 2015, Araw ng Kalayaan. Pero makaraan ang dalawang buwan, natagpuang patay si Pamana noong Linggo, sa isang creek, may isang kilometro ang layo mula sa lugar na pinakawalan ito. May tama ng bala sa dibdib si Pamana. Isang airgun ang ginamit sa pagpatay. Ayon sa Philippine Eagle Foundation (PEF) biologists at forest guards, natagpuan nila ang katawan ni Pamana na naaagnas na. Ganunman, nakakabit pa rin sa katawan nito ang tracking device.
Binaril na rin noon si Pamana sa kagubatan ng Iligan at tinamaan sa pakpak at binti at na-rescue ng mga personnel ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Hindi na nadakip ang taong bumaril kay Pamana.
Sa ilalim ng batas (Republic Act No. 9147 or Wildlife Conservation and Protection Act) ang sinumang humuli o pumatay sa endangered species ay makukulong ng anim hanggang 12 taon at multang P100,000 hanggang P1 milyon.
Noong 2012, isang nagngangalang Bryan Balaon ang pinagmulta ng Malaybalay Regional Trial Court ng P100,000 dahil sa pagpatay at pagluluto ng isang Philippine Eagle.
Nakapagtataka kung bakit napakagaan ng parusa sa pumatay sa agila gayung nakasaad na makukulong ng anim hanggang 12 taon. Maliit lang din ang multa.
Hindi na nakapagtataka kung bakit marami ang lumalabag sa batas at patuloy na may pumapatay sa mga endangered species dahil sa magaan na parusa. Kung ano sana ang nakasaad sa batas, ito ang ipataw para naman magkaroon ng hustisya.
Kung madadakip ang bumaril kay Pamana, dapat ipalasap sa kanya ang anim hanggang 12 taong pagkabilanggo para naman madama niya ang bigat ng nagawa.
Sa pagkakapatay kay Pamana, masisisi rin ang mga forest guards sa Davao Oriental dahil hinayaan nilang makapasok sa lugar na iyon ang mga sira-ulong hunter na walang muwang (o mangmang) sa mga endangered species. Kulang din naman ang DENR sa pagpapaalala sa mga tao ukol sa endangered species.
Sa ngayon, ang dapat gawin ng DENR ay hanapin at pagbayarin ang killer ni Pamana.