‘Bumalik ng walang-wala’
SA isang kisap mata ang lahat ng kanyang pinag-ipunan, kinuha na lamang sa kanya at umuwi ng walang dala.
“Bigla na lang nila akong pinauwi dahil sa hindi pagsagot sa isang tawag? Wala man lang akong nadala kahit isa man sa naipundar ko,” sabi ni Rosa.
Enero 2014 nang umalis nang bansa si Rosa Gumahob upang magtrabaho sa ibang bansa.
Hindi ito ang unang beses na umalis nang bansa si Rosa. Nitong huling punta niya ay sa Abu Dhabi bilang kasambahay.
Ang ahensiyang nagpaalis sa kanya ay ang Mahmood Manpower Agency. Labing apat na libong piso ang sahod niya sa loob ng isang buwan.
“Sila na mismo ang nagpapadala sa Pilipinas ng pera ko. Bawal kaming lumabas at hindi kami binibigyan ng day off,” salaysay ni Rosa.
Kung dumating naman daw ang pagkakataong magkasakit sila may card naman sila doon at dinadala sila sa pagamutan ng kanilang mga employer upang masuri ng doktor.
Isang araw habang namamalantsa siya ay tinatawag siya ng kanyang amo. Hindi siya kaagad nakalapit dito sapagkat pinatay niya muna ang plantsa para makasiguro sa kanilang kaligtasan.
“Pagpunta ko dun dinala niya ako kaagad sa counterpart agency dun. Dun ko lang napag-alaman na ibinabalik niya na ako,” kwento ni Rosa.
Nakiusap si Rosa sa ahensya na kung pwede ay ibalik siya sa kanyang amo. Nanghihinayang siya sapagkat walong buwan na lang ang kailangan niyang hintayin ay matatapos na ang kontrata.
Sagot daw sa kanya ng may-ari ng ahensiya hindi na siya gusto ng kanyang employer kaya’t ibebenta siya sa ibang amo.
“Hindi dinala ng amo ko ang mga gamit ko sa ahensiya. Kung ano ang suot ko nung dinala niya ako sa opisina yun lang ang meron ako,” sabi ni Rosa.
Dalawampung libong Dirhams umano ang benta sa kanya nang malaman niya ito kaagad siyang tumakas at dumiretso sa Immigration.
Ayon sa nakausap niya dun ay bumalik daw siya sa ahensya sapagkat wala silang magagawa tungkol sa inilalapit niyang problema.
Pinanghinaan ng loob si Rosa kaya’t wala siyang nagawa kundi ang umiyak. Sa halip na ilang buwan na lang ang kailangan niyang bunuin kapag ibinenta siya sa ibang employer magbibilang na naman siya ng dalawang taong kontrata.
“May naawa sa aking pulis at binigyan niya ako ng pamasahe para makarating sa embahada. Tinulungan nila ako dun. Tinatanong kung ano ang nangyari sa akin,” pahayag ni Rosa.
Kinuwento niya ang buong pangyayari. Ibinalik ng kanyang employer ang pasaporte ni Rosa. Dinala siya sa ahensiya noong April 30, 2015.
May kapitbahay sila sa Abu Dhabi na nakiusap na matulungan silang makabili ng tiket para makabalik ng Pilipinas si Rosa.
“Nakuwi ako dito katapusan ng Mayo ngunit wala man lang akong dala. Nanghiram lang ako ng mga damit dun,” sabi ni Rosa.
Ang mga naiwan niya daw na kagamitan dun ay ang halos lahat ng papel niyang mahahalaga na ginamit bilang requirements nang umalis ng bansa tulad ng birth certificate. May apat na cellphone din siyang nabili para sa kanyang dalawang anak at relo.
Hindi man daw mamahalin ang mga kagamitang ito nanghihinayang pa din siya sapagkat katas ito ng kanyang pinagpaguran at pagtitiis niya sa ibang bansa na mawalay sa kanyang pamilya.
“Sana matulungan niyo akong mabawi ang lahat ng mga naiwan ko sa employer ko. Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na ako sa inyo,” pahayag ni Rosa.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, bagamat maaaring kunin ulit ni Rosa ang kanyang mga naiwang papeles doon tulad ng birth certificate magiging dagdag naman ito sa kanyang gastusin. Sa halip na ipambili ng pagkain ay kailangan pa niyang ipamasahe upang makahanap ulit ng trabaho.
Mahirap para kay Rosa na basta na lamang iwan ang kanyang mga kagamitan sapagkat mahigit isang taon niya itong ipinundar, pinagpaguran at nakalaan ito sa kanyang mga anak.
Ang ahensiya sa Abu Dhabi ang dapat nakipag-usap noon sa employer ni Rosa upang makuha ang kanyang mga kagamitan.
Sa puntong ito upang matulungan si Rosa ini-email namin ay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang tungkol dito upang malaman kung paano ang dapat nag awing hakbang.
Dapat ding kumilos ang ahensiya sa Pilipinas na nagpaalis kay Rosa dahil sila ang may koneksiyon sa employer nito.
Isahensya ng gobierno na pwedeng lapitan para ireklamo ay ang Philippine Overseas Employment Agency sa pamumuno ni Administrator Hans Leo Cacdac para pagpaliwanagin at kung may nilabag na alituntunin, patawan ng parusa ang local recruitment agency.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest