TANGHALI na kami nang dumating sa simbahan kaya okupado na ang lahat ng paradahan sa tabi ng simbahan. Ginawa namin ay nagpunta kami sa isang private parking area na may bayad na P40 per 2 hours. Ang sumalubong sa amin ay isang mataba at maitim na lalaking naka-shorts pero walang damit na pang-itaas kaya’t kitang-kita ko ang mga tattoo sa bandang dibdib.
“Susmaryosep!” sa loob-loob ko lang. Parang gusto kong kontrahin ang sinabi ng aking mister na safe daw doon ang mag-park. Feeling ko’y ‘bad’ ‘yung mamang taga-bantay dahil sa kanyang tattoo.
Pero nang magsalita ang mamang may tattoo ay nagbago ang aking pananaw sa kanya: “Hanggang ilang oras po kayo magpa-park?”
Abaaaa, magalang at malumanay magsalita ang mama. Sorry po. Ang bilis ko namang manghusga.
Naalaala ko tuloy ang kuwento ng aking ina tungkol sa karanasan niya sa anak ng aming kapitbahay na may sarisari store. Ang anak na lalaki ay nasa 11 to 12 years old at ipinagmamalaki ng kanyang ina na honor student ito. Minsan ay may binili ang aking ina sa kanilang tindahan at ang anak na honor student ang bantay sa tindahan. Habang nakabantay ay nagbabasa ng libro ang honor student.
“Pabili ng sibuyas…”
“Ilan?”
Naisip ni Nanay na baka kulang ang kanyang pera kaya itinanong muna niya kung magkano per piraso ng sibuyas.
“Magkano ba ang isang piraso?”
“Piso. Ilan ang bibilhin mo?” may kasama nang inis sa boses ng honor student dahil naabala siguro sa pagbabasa. Bukod sa padaskol na boses ay hindi pa marunong mag-po sa kausap na matanda.
Tuwing mapapadaan si Honor Student sa tapat ng aming bahay ay nakakapagsalita si Nanay ng: “Matalino nga, wala namang modo sa matanda.”
Mabuti pa pala ‘yung mamang may tattoo…