‘Di naming sagot yan’

BAKIT kumukuha ng insurance ang isang tao? Sa kadahilanan na kapag may mangyari sa kanya, merong makukuha ang kanyang pamilya.

Nagsisimula ka ng bilangin ang mga ari-ariang kailangan nilang paghatian. Ngunit sa mga taong wala namang hawak na ganitong mga bagay tama na sa kanila ang kaunting halagang maaari nilang masalo sa iyong pagkawala.

“Lumalapit po ako sa inyo dahil alam ko po na marami kayong natutulungan at nabigyan ng kasiyahan sa inyong pag­lilingkod. Hihingi po ako ng tulong tungkol sa travel medical insurance ng tatay ko,” ayon sa liham na aming natanggap.

Bago pa man daw umalis ng bansa ang ama ng taga Buguey, Cagayan Valley na si  Maria Eloisa Varilla ay nagpasya na itong bumili ng ‘travel medical insurance’ sa Blue Cross Insurance Inc. sa Makati.

Ito raw ay para sa proteksiyon ng ama sa pagpunta niya sa Sweden. Wala silang napansin na kahit na anumang sakit ng ama. Malusog  daw ito at wala silang sintomas nang anumang karamdaman.

“Ang insurance na ito ay tumutulong sa pagbabayad ng ospital at kasama na din ang pag-uwi sa bangkay,” sabi ni Eloisa.

Pebrero 16, 2015 namatay ang kanyang ama. Nakasaad sa ‘death certificate’ nito na Cirrhosis of the Liver ang dahilan ng pagkamatay.

Pagdating daw dito sa Pilipinas wala umanong ibinigay na ‘burial benefits’ ang Blue Cross. Wala din silang natanggap na kahit na anumang benepisyo na nakapaloob sa insurance na binili ng ama.

“Umapela kami sa kanila at tinatanong namin kung anong benepisyong maaaring makuha dahil namatay na ang may-ari ng insurance. Sumagot sila sa pamamagitan ng sulat,” salaysay ni Eloisa.

Ayon sa sulat noong Mayo 21, 2015 ‘denied’ ang kanilang ‘medical inpatient claim’ sa sakit na duodenal ulcer, chronic gastritis, acute liver failure at chronic hepatitis B noong Abril 30, 2015.

Maingat daw nilang nirebisa ang mga dokumentong nasa kanila at sa impormasyong ibinigay ng pamilya ng namatay.

Naiakyat na ang kanilang kahilingan sa nakakasakop na departamento ng Blue Cross para sa mas masusing pagsusuri at sa tamang rekomendasyon.

Hindi daw sila karapat-dapat sa kanilang kahilingang kabayaran sapagkat ang mga sakit ng kanyang ama ay bumabagsak sa ‘Pre-existing conditions’ na hindi sakop ng insurance.

Upang mas maunawaan daw nina Eloisa sa dahilan nagbigay sila ng ilang bahagi sa kanilang ‘Policy Contract’.

Ang Pre-existing conditions ay sakit na bago pa makakuha ng insurance ang tao alam man ng tao o hindi ang kanyang karamdaman.

Ang Chronic Hepatitis B naman daw ay ‘viral infection’ sa atay na nasa katawan na ng tao sa loob ng anim na buwan.

Nakita lamang daw ang sakit na ito ni Mr. Varilla nang maospital siya sa Sweden. Ang liham na ito ay pinirmahan ng kanilang Customer Service Officer na si Joanna Marie Arreglado.

“Sana po ay matulungan niyo kami na makuha ang ibang benepisyo ng aking ama. Marami pong salamat,” ayon kay Eloisa.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maraming mga tao ang naeengganyo sa pagkuha ng insurance. Isa na sa kanilang dahilan ay para may katulong sila sa pagbabayad sa ospital kung sakaling magkasakit sila.

Malaki ang naiitulong nito lalo na kung nabayaran mo na ang kabuuang halaga nito.

Kahit mga malalaking korporasyon dahil ang insurance na kinuha ng inyong tatay ay travel medical insurance hindi naman nakuha ang kanyang sakit dahil sa kanyang paglagbay.

Ang kanyang ikinamatay ay isang sakit na maaring matagal na nasa kanyang katawan subalit (asymptomatic) o walang sintomas na Malala na para ang kanyang atay.

Kadalasan kasi merong tinatatawag na ‘contestability period,’ dalawang taon kadalasan, kung saan ang mga sakit na hindi makikita sa simpleng ‘medical examination’ ay makikita agad.

Para protekhan ng mga ‘Insurance Corporations’ ang kanilang kapakanan inilalagay nila ito sa ‘policy’.

Dapat maintindihan din naman natin ang mga kundisyones ng kontrata para sa isang insurance na kinuha ninyo.

Wala ba siyang Life Insurance nung bata-bata siya bago nagging ‘terminal’ na ang kanser sa kanyang katawan.

Malungkot man sabihin ang mga korporasyon na katuland nito at kailang maging matatag sa kanilang polisiya kung hindi lahat ng mga may sakit, alam man nila o hindi ay magbabayad ng ‘premium’ at may makokolekta na ang kanilang pamilya sa kanilang pagpanaw.

Ang pinakamainam ay habang bata pa ang isang tao, pagtuntong niya ng kwarenta, magsimula na niyang isipin ang kanyang pamilya kapag siya ay pumanaw na.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments