Lalaking walang binti, naakyat ang pinakamataas na bundok sa Africa
ANG Mount Kilimanjaro ang pinakamataas na bundok sa Africa kaya naman hindi biro ang pag-akyat sa tuktok nito kahit pa para sa mga eksperto na sa mountaineering.
Ngunit hindi naman naging balakid kay Spencer West ang taas ng Mount Kilimanjaro para marating niya ang tuktok nito.
Ito ay sa kabila ng kapansanan ng 31-anyos na taga-Toronto, Canada na simula pagkabata ay wala nang mga binti. Ipinanganak kasi si West na may sakit na sacral agenesis na sanhi ng pagkakaroon ng diperensiya ng kanyang spinal column. Nagdulot ito ng pagkalumpo kaya kalaunan ay ipinaputol na lamang niya ang kanyang mga binti.
Isang taong pinaghandaan ni West ang pag-akyat sa pinakatuktok ng pinakamataas na bundok sa Africa. Dapat sana ay sasakay siya sa isang wheelchair ngunit masyadong mabato ang daan paakyat kaya minabuti na lang niyang akyatin ang Mount Kilimanjaro gamit ang kanyang mga kamay. Kaya naman duguan at puro pasa ang kamay ni West nang marating nila ang tuktok ng bundok matapos ang isang linggong paglalakbay.
Sa pag-akyat niya sa tuktok ng pinakamataas na bundok sa Africa ay pinatunayan ni West na mali ang mga doktor at dalubhasang nagsabi sa kanya noong bata pa siya na wala siyang magiging silbi sa lipunan. Nagawa niya kasing mangalap ng £300,000 (P21 milyon) para sa mga naghihirap sa Africa bilang kapalit ng ginawa niyang pag-akyat sa Mount Kilimanjaro.
- Latest