MARAMI pa rin ang nabibiktima ng mga naglipanang multi-network marketing firm sa bansa. Grupo ng mga baluktot ang utak na walang ibang inatupag kundi ang maghanap ng potential victims na kakagat sa BITAG ng kanilang mapanlinlang na estilo.
Karaniwang biktima sa modus na ito, natu-tsubibo at nagogoyo sa boladas at pangako na madodoble o di naman kaya milyones ang balik ng kanilang ibinayad na membership fee.
Kalat na sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga investment firm kung ipakilala ang kanilang kumpanya. Ang target, maparami ang leverage o myembro sa pamamagitan ng recruitment process.
Oras na mapasok at mamanipula nila ang isang lugar, simula na ito ng kalbaryo ng mga bagong recruit na myembro.
Nitong mga nakaraang araw, mismong ang Security Exchange Commission (SEC) na ang naglabas ng babala kontra investment companies na nagkukuta sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa ahensya, marami silang nasumpungang “negosyo” na nagkukubli sa rehistro bilang insurance company na nag-o-operate sa bansa.
Ilan sa mga ito pinupuntirya ang mga estudyante sa kolehiyo, mga young professional at iba pa na bihasa sa sales and marketing kung saan hindi na nila kailangan pang magpapawis para lang magkaroon ng down lines.
Hindi na bago ang modus na ito.
Patuloy na babala ng BITAG sa Luzon, Visayas at Mindanao, maging mausisa at matalino sa mga boladas ng mga nag-aalok sa inyo ng ‘too good to be true’ na pangako. Na napakadali raw yumaman kapag nag-invest ka ng pera sa kanilang multi-network marketing firm at limpak-limpak na payout ang darating sa’yo pagkatapos lang ng ilang linggo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.