ISINILANG si Thandiwe Chama noong1991 at lumaki sa Chawama, isang bayan ng Zambia. Noong siya ay walong taong gulang pa lamang ay ipinasya ng mga opisyal ng kanilang bayan na isara ang kaisa-isang elementary school na pinag-aaralan ni Thandiwe dahil wala silang makuhang guro para magturo sa mga bata. Hindi iyon matanggap ni Thandiwe. Sa kanyang musmos na pang-unawa, hindi sila dapat tumigil sa pag-aaral. Natatandaan niyang itinuro sa kanila ng kanyang mga naging guro na bawat bata ay may karapatang mag-aral.
Mag-isa siyang naglakad para maghanap ng school na mapapasukan sa mga katabing bayan. Nang mabalitaan ito ng mga kapitbahay na kaeskuwela niya ay sumama na rin sila sa paghahanap ng school na mapapasukan. Pinangunahan ni Thandiwe ang 60 estudyante na naghahanap ng school na mapapasukan. Nagbunga ang kanilang pagsisikap dahil isang school ang tumanggap sa kanila—ang Jack Cecap School.
Ang tagumpay na ito ang nagbigay kay Thandiwe ng inspirasyon upang ipagpatuloy niyang ipaglaban ang right to education ng mga kapwa niya bata. Nakilala siya dahil sa kanyang ginawa kaya’t madalas ay naiimbitahan siyang magsalita tungkol sa karapatan ng mga bata at AIDS. Ipinapaliwanag niya sa mga bata kung ano ang AIDS at ano ang perwisyong dulot nito sa mga tao. Gusto niyang maunawaan ng mga bata ang AIDS para kapag malaki na sila ay may “awareness” na sila hinggil dito. Isang paraan para matakot silang gumawa ng mga bagay na magiging dahilan para magkaroon nito.
Pagsapit niya sa edad na 16, tinanggap ni Thandiwe Chama ang 2007 International Children’s Peace Prize.
Tinalo niya ang 28 nominees mula sa iba’t ibang bansa. Nakatanggap siya ng statuette at 100,000 euros.
Ang perang natanggap ay inilaan niya para gamitin sa pagtulong sa mga bata ng Zambia.