Investment scam, na naman!

Nahulog na sa kamay ng Parañaque Police ang sina­sabing utak ng isang investment scam sa Paranaque kung saan aabot sa P500-M ang nakulimbat o natangay nito sa kanyang mga naging biktima.

Ang suspect na nahaharap ngayon sa kasong syndicated estafa ay nakilalang si Mary Angelaine Libanan, 25, habang ang partner nitong si Mark Anthony Martirez, 24 , ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Nasa 30 katao na nabiktima nito ang agad na sumugod sa himpilan ng pulisya.

Nakakalungkot na isipin, na isa sa naging biktima ng ganitong uri ng scam ay nawalan ng halos P70 milyon na ipon, kasama ang pera ng kanyang mga ka-pamilya at mga kaibigan.

Yung isa naman nasa 7 milyon ang nawala na naipon nya sa pagtuturo.

Ngayon walang katiyakan kung maibabalik pa ng mga suspect ang nakulimbat na ma­laking halaga.

Marami na ang ganitong estilo o scam na napapabalita, ang iba pa ngang biktima napipilitan pang magbenta ng kanilang ari-arian para lamang mapalago umano sa ganitong investment na hindi naglalaon eh isa pa lang scam o panggagantso.

Kaya nga hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang paalala ng mga kinauukulan, mag-ingat sa ganitong mga estilo o modus.

Huwag agad-agad na ipagkatiwala ang inyong ipon sa ganitong investment o  panloloko.

Sana matuto na tayo sa mga nagdaang kahalintulad na modus, huwag agad-agad masilaw sa malaking tubo na maibabalik sa inyo sa ibi­bigay ninyong puhunan.

Tandaan, matatamis ang dila ang mga nag-aalok ng ganitong scam, nakakaengganyo ang kanilang mga pa­ngako, malaki ang ipinapangako nilang tubo o balik puhunan. Dapat pag ganito na ang mga ipinangako, maniguro na kayo, pihadong scam ito.

Marapat lang na pag-aralan  muna o siyasatin   ang anumang inyong papasukan para hindi masayang anuman ang inyong pinaghirapan.

Show comments