Sampaguita (119)
“IBIG mong sabihin pakitang tao lang ang ginagawa ni Levi?’’ tanong ni Viring kay Ram habang kumakain sila.
“Opo. Ipinakikita kunwari niya na nagsisisi na siya para makuha ang loob ni Sampaguita. Lumuluhod na kunwari siya.’’
“Pero parang totoo ang ginagawang pagpapakabait. Siya pa ang nagsandok ng ulam para sa atin.’’
‘‘Madaling magkunwari, Manang Viring. Kaya nga ang sabi ko kay Sam ay mag-ingat siya.’’
“Mukha namang nag-iingat na siya, Ram. Mula nang mangyari ang pagpasok niya sa bahay ni Levi at muntik na siyang dalhin sa room nito, ay mukhang nagkaroon ng leksiyon.’’
“Lagi kong inuulit sa kanya na huwag magtitiwala kay Levi. Basta gawin na lang niya ang utos ni Sir Manuel at kung maaari, madaliin niya.’’
‘‘Pero siyempre hindi naman agad niya magagawa iyon, Ram. Kailangang unti-unti at baka mahalata siya nito.’’
“Maaari namang biguin kaagad niya si Levi. Sinagot na nga niya ito. Ewan ko kung bakit kailangang pagtagalin. At saka hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung bakit kailangan niyang magtungo sa bahay ni Levi. Nagtataka pa rin ako…’’
“Baka naman mayroon siyang naisip na kakaiba para lalong mahulog ang loob ni Levi.’’
“Sana nga ay ganun ang pakay ni Sam. Pero ipinain naman niya ang sarili at muntik na siyang mabiktima.’’
“Huwag mo nang isipin ang nangyari Ram at nakaraan na ‘yun.’’
“Mabuti na lang at naisip kong pasabugan ng Molotov ang bakuran niya, kung hindi baka, nabiktima na siya.’’
“Magmanman na lang tayo Ram.’’
“Ang iniisip ko kasi Manang Viring ay baka sa pagpapakita ni Levi ng kabaitan ngayon ay mabago ang pagtingin ni Sam. Baka sa halip na kasuklaman at pag-higantihan ay baka mahalin pa.’’
“Hindi naman siguro ganun si Sam. At saka di ba may pangako siya kay Sir Manuel.’’
“Sana nga, Manang Viring.’’
Saka ay nagulat sila nang biglang lumapit si Levi at inalok pa sila ng pagkain.
“O bakit mahina yata kayong kumain. Kain pa, Ram, Manang Viring. Napakarami pang pagkain. Sa atin lahat ito. Kuha pa kayo.’’
“Oo Levi. Busog na kasi kami.’’
“Sige pag nakaramdam muli ng gutom, kain uli.’’
Lumayo na si Levi at nagtungo sa kinaroroonan ni Sampaguita.
‘‘Sam, wala ka na bang maiimbitahan para makakain ng mga pagkaing ito? Mga kaibigan mo, relatives at iba pa.’’
“Wala.’’
“Siyanga pala nasaan ang parents mo, Sam?’’
“Nasa ibang bansa sila.’’
Napatango na lang si Levi.
Pagkaraan nang may isang oras ay nagpaalam na si Levi. Maayos na nagpaalam. Nahihiwagaan si Sam sa biglang pagbabago ni Levi. Mukhang nagbago na nga ito. Wala na ang kayabangan at magaslaw na kilos.
Habang palabas sa pintuan si Levi ay sinundan ng tingin ni Sam. Parang nagsisisi na sa mga nagawang mali sa buhay.
(Itutuloy)
- Latest