NAGPAHAYAG na rin ng pag-kabahala ang mga scientist at mga lider sa larangan ng teknolohiya sa posibleng pag-usbong ng mga robot na maaaring pumatay ng tao. Mga makabagong sandata na makakakilos mag-isa, hindi na ginagamitan ng remote control o yaong hindi na kailangang paandarin ng tao. Automatic ang kanilang operasyon na tulad ng napapanood sa pelikulang “Terminator” ni Arnold Schwarzenegger. Malapit na umanong maging totoo mula sa pagiging science fiction ang idea sa automated killer robot.
Ipinahayag nila ang pagkabahala sa isang bukas na liham na ipinadala nila sa idinaos na 2015 International Joint Conference on Artificial Intelligence sa Buenos Aires sa Argentina. Kabilang sa 1,000 technology chief na nagpetisyon ang co-founder ng Apple na si Steve Wozniak, ang British scientist na si Stephen Hawking at Elon Musk na pinuno ng SpaceX na isang private space travel technology venture. Dahil dito, meron nang gumugulong na kampanya na nananawagan sa lahat ng bansa na ipagbawal ang paggawa ng mga sandatang robot na nakakamatay at hindi maaaring pigilin ng tao.
Ayon sa mga scientist, ang naturang mga sandata ay maituturing na third revolution sa mga kagamitang panggiyera kasunod ng gunpowder at nuclear arms. Ipinahiwatig nila na dapat iwasang masimulan ang paglikha ng mga robot na merong sariling pag-iisip, nakakakilos mag-isa, matalino at pumapatay. Hindi malayong maganap ang isang global arms race kapag hinayaan ang anumang bansa na mag-imbento ng killer robot na sa loob lang ng ilang taon ay maaari nang magawa.
Sinasabi rin nila na mas malaki rin ang peligro kapag ang maiimbentong killer robot ay mapapasakamay ng mga terorista, diktador at warlords.
Ilang awtoridad na rin ang namumulat hinggil sa panganib na magkaroon ng mga robot na magagamit sa mga giyera. Noong 2012, nagpataw ang Amerika ng 10-year human control requirement sa mga automated weapon pero sinasabi ng mga anti-robot killer advocate na kulang pa ito at dapat higit pa rito ang gawin para mapigilan ang paglikha ng mga automated weapon. Sa isang kumperensiyang ipinatawag ng United Nations noong 1998, ipinagbawal na ang mga blinding laser weapon bago pa man magamit ang mga ito sa mga digmaan.