TIYAK na walang babanggitin si President Noynoy Aquino na may kaugnayan sa Freedom of Information (FOI) at Anti-Dynasty Bills sa kanyang huling SONA na gaganapin ngayon. Hindi na prayoridad ang dalawang panukalang batas kaya para ano pa at babanggitin sa SONA.
Mismong ang House of Representatives ang nagsabi na okupado na ang kanilang oras ng Bangsamoro Basic Law (BBL) at 2016 national budget. Kaya wala nang pag-asa pang maisabatas ang FOI at Anti-Dynasty.
Noong nangangampanya si P-Noy noong 2010, sabi niya ipaprayoridad niya ang FOI Bill. Susuportahan daw niya ito. Pero hindi nagkatotoo. Rest in Peace na ang FOI Bill!
Mahalaga ang FOI sapagkat maaaring mahalungkat ang mga transaksiyong ginagawa ng government official. Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan, mabatid ang polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad. Nagpasasa ang mga kawatan sa pondo ng bayan.
Ganito rin ang Anti-Dynasty Bill. Wala na ring pag-asang maipasa. Rest in Peace na rin.
Hindi rin nagkatotoo ang sinabi ni P-Noy na susuportahan niya ang Anti-Dynasty Bill. Sabi niya noong nakaraang taon na dapat maipasa ang Anti-Dynasty sapagkat kung puro kamag-anak ang nasa puwesto, baka mahirapang magkaroon ng malaya at makatotohanang halalan. Kaya nararapat daw ipasa ng Congress ang Anti-Dynasty Bill. Kapag daw ipinasa, agad niyang pipirmahan ito. Bulaklak lang pala ng dila.
Apektado ng Anti-Dynasty Bill ang mga mambabatas sapagkat sila mismo ay kabilang sa political dynasties. Sa ngayon, karaniwan na lamang na ang mga namumuno sa isang bayan o siyudad ay binubuo ng ama, asawa, anak, pamangkin, pinsan at iba pa. Ang ama ay mayor, ang ina ang vice mayor, ang anak ay kongresista at iba pa.
Maganda sana kung mabubuwag ang ganitong sistema. Pero mahirap mangyari dahil ang mga mambabatas mismo ang tututol.