‘Isang remedy na lang’

BAGAY na pinaghirap dapat alagaan. Kapag nalingat ka’t napabayaan baka biglang may umagaw nito at hangin na lang ang hawak mo.

“Tinatakot nila ako, pinapaalis sa sarili kong bahay. Ayaw naman nilang magbigay ng buong pangalan,” sabi ni Mon.

Isang guro sa high school si Simeon “Mon” Aspa Jr., 39 na taong gulang. Mag-isa siyang naninirahan sa kanyang bahay sa Rodriguez, Rizal.

Oktubre 2014 nang may nagpunta sa kanyang bahay na nag-ngangalang Minerva at Boyet. Sila na daw ang bagong nag-aapply para sa pabahay na kanyang tinitirhan.

Aminado si Mon na nagkaroon siya ng palya sa pagbabayad kada buwan sa PAG-IBIG ngunit wala man lang umanong sulat siyang natanggap na iilitin na ito at babawiin sa kanya.

Sa isang pagbabalik-tanaw, taong 2004 nang mag-apply ng housing loan sa PAG-IBIG si Mon. Sa parehong taon ay agad naman siyang naaprubahan.

Naghanap ang ahente ng bahay at nang may makita itong ‘raw house’ agad nila itong kinuha.

“Babayaran ko yun sa loob ng dalawampu’t limang taon. Maghuhulog ako buwan-buwan ng dalawang libo mahigit,” ayon kay Mon.

Nakakabayad nang maayos si Mon ngunit nang magkasakit ang kanyang ama noong 2006 dun na siya pumapalya.

Nakapangutang pa siya sa pagpapaospital dito ngunit hindi din kinaya ng katawan at namatay na.

Dito niya nagastos ang nakalaan dapat na hulog sa bahay.

Taong 2007 nakatanggap na siya ng sulat na kinakailangan na niyang magbayad dahil kung hindi mapo-forclosed na ito.

“Hindi ko kaagad nalakad yun dahil may mga utang pa akong binabayaran. Nung sumunod na taon dun ko na pinuntahan ang Pag-ibig,” pahayag ni Mon.

Binigyan siya ng dalawang mapagpipilian. Una ay restructuring at ang pangalawa ay ipasalo sa kanyang kamag-anak. Mas pinili ni Mon ang ipasalo sa kamag-anak.

Nung simula ay pumayag ang kanyang pinsan ngunit kalaunan ay umatras ito.

“Kukuha na daw kasi sila ng bahay nila. Naghanap ulit ako ng panibago dahil wala naman akong perang pambayad sa restructuring ng loan ko,” ayon kay Mon.

May isa pa sana siyang kamag-anak na maaaring tumulong sa kanya ngunit kulang pa sa taon kaya’t hindi pa kwalipikado. Naghintay si Mon na mabuo nito ang taong kinakailangan ngunit ganito na kalala ang kanyang problema.

May pumunta na sa kanyang bahay at pinapaalis siya sapagkat nabili na daw ito at hindi na niya maaaring tirhan.

“Pinaganda ko na ang bahay. Nakatiles na at maayos na ang lahat. Kung may paraan pa sana para hindi maalis sa akin ang karapatan,” ayon kay Mon.

Kung talagang kinakailangan niya daw na umalis sa bahay niya ay hindi naman niya ipagpipilitan na manatili dun. Ang hiling lang ni Mon ay bigyan siya ng sapat na pagkakataon upang makahanap ng bagong malilipatan.

“Hindi naman ganun kadaling gawin yun dahil kakailanganin ko rin ng sapat na pera pambayad sa bago kong mauupahan,” wika ni Mon.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sinubukan naming makipag-ugnayan sa PAG-IBIG kung ano pa ang pwedeng gawin ni Mon. Ayon sa kanila ang dalawang mapagpipiliang sinabi nila kay Mon ang tangi lamang nitong pwedeng gawin.

Ipasalo sa kamag-anak na miyembro din ng PAG-IBIG o bayaran niya ang kabuuang halaga ng hindi niya nabayaran noong mga nakaraang taon. Nang ipaalam namin ito kay Mon ayon sa kanya mas lalaki daw ang magiging bayarin niya kada buwan.

Binigyan din namin siya ng referral sa Public Attorney’s Office (PAO) upang ilapit ang problema sa mga taong umano’y nananakot sa kanya.

Ang mga ‘housing loan’ mula sa PAG-IBIG hindi yan maaaring balewalain. May mga dahilan man o problema na dumadaan sa inyo ang obligasyon ay obligasyon pa din.

Dalawa lang naman ang pagpipilian gagawa ka ng paraan na mabayaran ito o tatanggapin na lang ang katotohanan na darating ang panahon na ang lahat ng pinaghirapan mo ay kukunin sa iyo dahil hindi ka tumupad.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854 o tumawag sa 710-4038 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments