HULING SONA ni President Noynoy Aquino sa Lunes (Hulyo 27). Iisa-isahin na naman niya ang mga nagawa sa bansa. Hindi na siguro siya mangangako sapagkat sa susunod na taon ay bababa na siya sa puwesto. Walang nakakaalam kung ano ang una niyang ipagmamalaking nagawa sa loob ng anim na taon. Maaaring sa pagbasag sa corruption, mga nagawang imprastruktura, pagbibigay nang makakain sa mga mahihirap at kung anu-ano pa. Pero ang tiyak na hindi maipagmamalaki ng Presidente ay ang problema sa trapik na mula nang maupo siya noong 2010 ay hindi nagkaroon ng pagbabago at sa halip ay lumala pa.
Kahapon ay grabeng trapik na naman ang naranasan sa EDSA. Inabot ng tatlong oras bago nakarating sa Ayala at Taft Avenue sa Pasay. Usad pagong ang mga sasakyan. Ang bagong pakulong “zipper lane” ng MMDA ay walang epekto sapagkat lalong bumigat ang trapik. Naipon sa “zipper lane” ang mga sasakyan at lalong hindi nakausad.
Grabe rin ang trapik sa Roxas Blvd., España at Quiapo. Araw-araw na nagdurusa ang mga pasahero sa grabeng trapik. Wala silang magawa kundi ang lihim na magmura.
Palpak ang Aquino Administration kung ang pagresolba sa trapik ang pag-uusapan. Walang magandang masasabi sapagkat hindi nakagawa nang pangmatagalang solusyon sa problema.
Sa pag-aaral ng Japan International Cooperating Agency (JICA), P2.4 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik sa Metro Manila. Ang EDSA ang lagi nang nirereklamo dahil sa matinding trapik. Marami nang sinubukang paraan ang MMDA para malutas ang trapik pero walang nangyari. Hindi naman nila mapagbawalan ang colorum na bus sapagkat kumikita rito ang mga corrupt na traffic enforcers. Hindi rin nila kayang alisin ang mga naka-park na sasakyan sa mga kalsada. At hindi kayang sibakin ang mga kotongero sa kalsada. Idagdag na rin ang wala sa eskedyul na pagre-repair ng DPWH ng kalsada at paglalagay ng mga drainage kung kailan tag-ulan at school opening.
Walang nagawa ang Aquino admin sa problema sa trapiko. Dusa noon, dusa pa rin hanggang ngayon.