…na magpapatunay na totoong may KARMA
Si John Sedgwick ay nagsilbing Union Army General noong panahon ng American Civil War. Minsan napansin niyang nakayupyop ang lahat ng kanyang tropa dahil binabaril sila ng mga kalaban na kilalang mga sharpshooters. Nainis siya at ininsulto ang mga tauhan.
“Hoy, mga duwag… magsitayo kayo! Paano kayo makakaganti ng putok kung…
Hindi pa natatapos ang kanyang sinasabi ay bigla siyang tinamaan ng bala sa mata at agad namatay.
* * *
Hinoldap ni Mauricio Ferro ng Sau Paulo, Brazil ang isang drugstore. Kinuha niya ang lahat ng pera sa drawer at inilagay sa sako. Dali-dali siyang pumunta sa pinagparadahan ng kanyang kotse. Kaso naiwan pala niyang bukas ang kanyang kotse kaya kitang-kita niya nang paharurutin ito ng karnaper. Palibhasa ay nabigla sa mga pangyayari, isang lalaki ang umagaw sa sakong kinalalagyan ng perang ninakaw niya.
Pumunta siya sa presinto upang ireport ang pagkarnap sa kanyang kotse. Nagkataong naroon din sa presinto ang may-ari ng drugstore para ireport ang nangyaring nakawan. Nakilala siya ng may-ari kaya kaagad siyang ipinahuli.
* * *
Noong 1981 ay nasentensiyahan si Michael Anderson Godwin ng bitay sa pamamagitan ng silya elektrika dahil sa kasong murder at rape.
Pero nagkaroon ng retrial at napawalang sala siya sa kasong rape. Kaya ang sentensiyang bitay ay bumaba sa habambuhay na pagkakulong.
Minsan nire-repair niya ang headphone na nakakabit sa television set na nasa selda niya. May alambreng kailangang putulin pero wala siyang pamputol. Kaya kinagat niya ito sa pag-asang kakayanin ng kanyang ngipin na putulin ang alambre. Habang kinakagat niya ang alambre ay nakaupo siya sa stainless steel chair. Huli na ang lahat bago niya maisip na ang TV ay naka-on. Mabilis na tumulay ang kuryente sa kanyang bibig patungo sa utak. Kaagad siyang namatay.