SAPAT naman ang patrol cars ng apat na police districts sa Metro Manila. Bukod sa patrol cars, mayroon ding mga motorsiklo ang mga pulis. Pero nakapagtatakang bihirang makakita ng nagrorondang pulis sa mga lansangan. Nasaan ang mga bagong patrol cars? Nasa police station?
Sa Quezon City, bihirang makakita ng mga pulis na nagroronda. Nagroronda lamang sila kapag binabanatan sa diyaryo at radyo. Pero makalipas ang ilang araw o isang linggo, wala na namang makitang nagpapatrulya. Para ano pa ang mga patrol cars at hindi ginagamit sa pagroronda lalo na sa gabi at sa mga oras na kadalasang sumasalakay ang mga kawatan o mga kriminal.
Kung regular ang pagpapatrulya, maaaring mabawasan ang mga nangyayaring krimen. Hindi makakasalakay ang mga riding-in-tandem at ang mga holdaper sa bus o dyipni. Maski ang mga nagbabalak na magnakaw sa convenient store ay magdadalawang isip kung isasagawa ang plano.
Noong Huwebes ng madaling-araw, isang restaurant ang hinoldap sa Quezon City ng dalawang lalaking nakasuot ng asul na shirt na ginagamit ng mga pulis. Nagdeklara ng holdap ang mga pulis at kinuha ang kinita ng restaurant. Ang tatlong customer ng restaurant ay hinoldap din at nakuha ang mahahalagang gamit. Mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang kotse. Wala man lang nagpapatrulyang pulis sa lugar.
Kahapon, sa Quezon City pa rin, nakunan ng CCTV ang lalaking naka-motorsiklo nang hablutin ang bag ng isang babae. Sa lakas ng paghablot, natangay ang babae at natumba ito. Nasugatan ang babae. Wala ring nagpapatrulyang mga pulis.
Marami nang nangangamba sa sunud-sunod na krimen sa Metro Manila. Delikado nang maglakad at baka holdapin o agawan ng bag ng riding-in-tandem. Kailan ba kikilos ang pamunuan ng PNP para atasan na pagpatrulyahin nang regular ang mga pulis. Kailan makakatulog nang mahimbing ang mamamayan?