Mga hindi n’yo alam

… tungkol kay Floyd Mayweather Jr.

(Second Part)

IPINANGANAK siyang Floyd Joy Sinclair. Ang ginamit niya ay apelyido ng kanyang ina. Naging Mayweather na lang siya nang magsimulang magboksing. Hiwalay ang kanyang mga magulang kaya para siyang yoyo – palipat-lipat ng bahay, minsan nakatira sa ama, minsan naman ay sa ina. Sa poder ng kanyang ina, ang nagsisilbi nilang tirahan ay isang kuwarto kung saan pitong tao silang nagsisiksikan dito na parang sardinas. Ito marahil ang dahilan kung bakit madalas niyang ipagyabang ang kanyang kayamanan. Boksing lang ang alam niyang paraan para magkapera kaya tumigil siya sa pag-aaral. Matagal bago siya magkapera kung iaasa niya ang kinabukasan sa pag-aaral. Ang gusto niya ay magkapera agad. At mangyayari iyon kung sisimulan niya ang pagsasanay sa boksing.

Noong mayaman na siya at marami nang pag-aaring mansiyon, na­banggit niyang mas malaki pa ang cabinet ng kanyang damit kaysa  tinitirhan nila noon. Isa sa tatlong palayaw niya ay MONEY. Ito raw kasi ang pangunahing dahilan kung bakit siya nagsikap na maging mahusay na boksingero. Ito rin ang pangalan ng kanyang entourage The Money Team.

Ang pangalawa niyang palayaw ay TBE na initial ng The Best Ever dahil iyon ang tingin niya sa sarili. At ang pangatlo ay PRETTY BOY. Pretty Boy siya dahil malinis ang kanyang balat.

Wala siyang tattoo sa ka­tawan. Ang kanyang mukha ay walang peklat na karaniwang nakukuha ng mga boksingero. Malinis… flawless kaya Pretty Boy. Tinuruan siya ng tiyuhing dating boksingero kung paano iiwas sa mga suntok sa mukha.

Itutuloy

Show comments