(Driving under the Influence)
MARAMI ang nakapakinig at nakapanood sa BITAG Live at bitagtheoriginal.com sa ginawang pagtalakay sa usapin ng Driving under the Influence (DUI).
Bagong batas lang ito sa Pilipinas na sinusubukan palang ipatupad at i-implementa ng Land Transportation Office (LTO).
Hindi tulad sa bansang Amerika na pulis lang ang binigyan ng kapangyarihan ng estado na magpatupad ng DUI, dito, kahit sinong talpulano mula sa LTO puwede.
Sa ipinalabas naming bidyo, ipinakita ang prosesong ipinatutupad ng mga US COPS kapag may nakita silang pasuray-suray na motorista sa lansangan o ‘di naman kaya ini-report sa 911.
Ang driver, kinakailangang sumailalim muna sa tinatawag na field sobriety test (FST).Kinapapalooban ito ng eye contact test, one-leg stand at walk and turn bago isalang sa breath analyzer test para matukoy ang alcohol content sa kaniyang hininga.
Kapag mayroong nalaktawan o nakalimutan ang patrol officer sa mga prosesong ito, malaki ang posibilidad na mababasura ang kaso laban sa motoristang DUI.
Kaya nga sa ibinibida ng LTO na isang abogado raw ang una nilang nasampolan sa DUI noong nakaraang linggo, gustong malaman ng BITAG ang mga isinagawa nilang proseso.
May iba kasing mga kumu-kwestyun kung train ba ang mga humuling LTO enforcer at kung papaano nila isinagawa ang mga eksaminasyon bago idiniretso sa piskalya ang dryaber.
Sa Estados Unidos kasi, sa police academy palang, itinuturo na kung papaano isinasagawa ang DUI, pagkuha ng mga detalye ng sabjek at kung papaano ang pakikipag-komunikasyon sa central communication system o 911.
Wala pang ganito sa Pilipinas. Ito sana ang isa sa mga matutukan ng mga bahag ang buntot na mambabatas para mapatibay ang paghuli sa mga lumalabag sa batas sa lansangan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.