Kahapon ay inilabas na rin ng Senate Committee on Public Order and Safety ang resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa insidenteng naganap sa Mamasapano, Maguindanao.
Halos kalapit din sa inilabas na report ng Board of Inquiry (BOI), may nakitang pananagutan sa insidente ang Pangulong Noynoy Aquino.
“He (PNoy) is ultimately responsible for the Mamasapano mission”, iyan ang naging posisyon ng komite ng Senado sa partisipasyon ni PNoy sa naturang ‘Oplan Exodus’ na rito, 44 na PNP-SAF ang nasawi.
Halos ganito rin ang lumutang sa naunang report na BOI, makaraang pagkatiwalaan umano ng Pangulo ang isang suspendidong heneral ng pamahalaan ang naturang misyon.
Sa report ng Senado, nakita rito ang matapang na posisyon tungkol sa mga taong rektang sangkot sa pagpaslang sa SAF. Binanggit sa Senate report, na hindi misencounter ang naganap kundi masaker, bukod pa rito ang ginawang pagnanakaw ng mga MILF, BIFF at iba pang armadong grupo na nakasagupa ng mga tauhan ng SAF.
Sa report, nailarawang malinaw ng komite ng Senado na walang balak ang mga kalaban na paalpasing buhay ang mga SAF commando.
Binanggit din sa ulat ang pananagutan ng nagbitiw na PNP chief na si Director General, Alan Purisima at ang kukulangan naman ng sinibak na SAF director Getulio Napeñas.
Kapansin-pansin lang na tila hindi nabigyan-diin sa report ng Senado ang pagkukulang ng militar sa agarang pagtugon sa respondeng hiningi ng SAF.
Sa BOI report, nabanggit na hindi agad naibigay ang saklolong hingi ng mga naiipit na SAF dahil sa isinaalang-alang ang peace process.
Mukhang sa Senate report hindi ito nabigyan-diin, kung sino ang posibleng pumigil sa responde.
Ngayong lumabas ang imbestigasyon ng Senado na masaker at hindi misencounter ang nangyari, mabigyang pansin kaya ito sa gagawing mga pagdinig sa Bangsamoro Basic Law (BBL)?
Sa mga resulta lang kaya ng imbestigasyon matatapos ang hustisyang giit ng mga naulila ng SAF 44? Anong aksyon ang gagawin sa mga sinasabing may pananagutan sa insidente?
Ilan lamang ito sa mga katanungan na hanggang sa ngayon ay wala pa ring konkretong kasagutan.