NAKABABAHALA ang report ng Commission on Audit (COA) na ang mahigit na P48 million na local at foreign donations na nasa banko ay outdated. Ayon sa report may iregularidad sa paghawak ng pondo para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda noong Nob. 8, 2013. Tinamaan ng Yolanda ang Visayas Region particular ang Eastern Samar at Leyte. Nasa 6,000 katao ang namatay sa mapinsalang bagyo. Maraming bahay ang nawasak at hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakakarekober. Marami pa ang hindi nakapagpapatayo ng mga bahay. Marami pa rin ang umaasa sa gobyerno. Marami ang kinakapos sa pagkain.
Pero sabi ng Office of Civil Defense (OCD), walang iregularidad sa paghawak ng pondo. Intact umano ang pondo sa banko. Ayon sa OCD, nakapagbigay na sila ng P39 million bilang financial assistance sa mga biktima ng Yolanda. Ang pondo ay talaga raw nakalaan sa mga pamilya na namatayan o nasugatan. Ang mga namatayan ay tatanggap ng P10,000 at samantalang ang mga nasugatan ay P5,000. Hindi raw nakalaan na pambili ng pagkain ang pondong nasa banko, ayon pa sa OCD.
Nakakabahala rin naman ang report mula sa Iloilo City na 400 sako ng bigas ang nabulok lamang sa Antique provincial gym. Diniliber daw ang mga bigas dalawang buwan na ang nakararaan. Ang mga sako ay may mga markang “National Food Auhority” at may petsang Nobyembre 2013. Pinaniniwalaang ang mga bigas ay para sa mga biktima ng Yolanda sa Antique. Isa ang Antique sa hinagupit ng bagyo.
Natagpuan umano ang mga bigas at nabubulok na sa dalawang toilet ng gym. Nangangamoy na umano ang mga ito.
Dapat paimbestigahan ang pangyayaring ito. Habang marami ang nagugutom, hinayaan lamang na mabulok ang mga bigas. Sa halip na mapakinabangan ay pinabayaan at uod ang kumain. Parusahan ang may kasalanan.