Solar-powered na eroplano sinimulan nang liparin ang buong mundo

DALAWANG Swiss ang nag-aasam na maging pinakaunang mga piloto na maikot ang buong mundo habang sakay ng isang eroplanong hindi gumagamit ng gasolina.

Sinimulan na ng Swiss pilots na sina Bertrand Piccard at André Borschberg ang kanilang pag-ikot sa mundo sakay ng Solar Impulse 2, ang eroplanong lumilipad sa pamamagitan ng enerhiya mula sa sinag ng araw.

Lumipad ang dalawa mula sa Abu Dhabi at sa Muscat sa Oman ang susunod nilang destinasyon. Tinatayang aabutin ng limang buwan ang gagawing pag-ikot sa buong mundo ng mga piloto na kailangang tumawid ng dalawang karagatan at maglakbay ng layong 21,750 milya upang matupad ang kanilang pangarap na maikot ang mundo.

Tiwala naman ang dalawang piloto na matutupad nila ang kanilang pangarap dahil sa kakaibang disenyo ng Solar Impulse 2. Napakagaan kasi ng eroplano sa bigat nitong 4,600 pounds. Ang Solar Impulse 2 rin ang kauna-unahang solar powered na eroplanong kayang lumipad kahit gabi dahil sa 17,000 na solar cells nito na nagbibigay kakayahan sa eroplanong mag-imbak ng sapat na enerhiya para sa mga oras na walang sikat ang araw.

Kasama sa ka­nilang paglalakbay ang kampanya para ipaalam sa lahat­ ang kahalagahan ng paggamit ng clean energy. Isa sa mga halimbawa ng clean energy ay ang solar power kaya naman masasabing nagpapatotoo ang ginagawa nilang paglalakbay sa kahala­gahan ng clean energy.

Show comments