FLASH Report: Kung anu-anong kuwento na ang ikinakalat ng gambling lord na si SPO3 Roberto “Obet” Chua, ng NCR-CIDG, para hindi mahinto ang operation ng malalakas na bookies ng karera niya na matatagpuan sa 1726 Bocobo St., sa Malate at ang sa 421 Flores St., Alhambra, Ermita, Manila. Bakit hindi kaya ni MPD director Chief Supt. Rolando Nana na ipasara ang mga bookies ni Chua? Naayos na kaya ni Chua si Nana? T’yak ‘yun!
* * *
Binobola ni Senate Pres. Franklin Drilon si Pres. Noynoy Aquino para iupo si Dep. Dir. Gen. Marcelo Garbo bilang PNP chief. Ilang beses ko nang naging paksa na sina Drilon, DILG Sec. Mar Roxas at iba pang mi-yembro ng Visayan bloc sa Senado man o sa House ay si Garbo ang isinusulong para pumalit kay resigned PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Sa ngayon, ang battlecry ni Drilon at ang mga kaalyado niya ay ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) kapalit nang pagpili ni P-noy kay Garbo, di ba mga kosa? Kung nabola ni dating Special Action Force (SAF) chief Dir. Getulio Napeñas si P-noy sa Mamasapano massacre, mabobola rin kaya siya ng kababayan kong si Drilon at kaalyado para iupo si Garbo sa pinakamataas ng trono ng PNP? Boom Panes! Hehehe! Mukhang hindi na pambobola itong kay Drilon kundi blackmail, di ba mga kosa?
Hindi ko kaaway si Garbo, chief directorial staff ng PNP sa ngayon. Sa totoo lang mga kosa, very qualified siya at sa katunayan si Garbo ay isa sa police officials na graduate ng US Special Action Force training. At hindi naman kaila na si Garbo ang pangunahing dahilan para mapayapang lisanin ni dating Cebu Gov. Gwen Garcia ang barikada sa Kapitolyo nung kasagsagan ang suspension nito. Hehehe! Kung isa-isahin ko ang accomplishments ni Garbo ay baka mapuno ang espasyong ito. T’yak ‘yun!
Kung sabagay, sina Garbo at PNP OIC Dep. Dir. Gen. Leonardo Espina ay na-interview na ni P-Noy. Habang iniendorso ni Drilon si Garbo, si Espina naman ay nag-iikot sa ilang bahagi ng bansa para pulsuhan ang kapulisan na bumaba ang morale dahil sa tingin nila ay mishandling ng Palasyo sa Fallen SAF 44. Sa kanyang pakikipagsalamuha sa mga pulis sa Ilocos Region, Central Luzon at Bicol, hinikayat ni Espina ang mga ito na huwag ma-distract sa kaso ng Fallen SAF 44 at imbes ay paigtingin pa ang kanilang serbisyo publiko, lalo na ang laban kontra kriminalidad. Si Espina naman ay suportado ng mga kalaban ni Roxas sa Palasyo tulad ni Executive Sec. Paquito Ochoa, Defense Sec. Voltaire Gazmin at ilan pang miyembro ng Gabinete. Lumakas ang tsansa ni Espina na maging permanent PNP chief dahil nagustuhan ng mga kabaro niya ang pag-depensa niya sa Fallen SAF 44 sa Senate at House hearings. Subalit sa ngayon, masasabi kong underdog si Espina sa laban ng PNP chief. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Weder-weder lang ‘yan!
Ang ugong sa Camp Crame nitong weekend, uupo na si Garbo sa binakanteng puwesto ni Purisima sa araw na ito. Subalit hanggang hindi pa iginagawad ni P-Noy ang kanyang basbas, hindi pa nakakasiguro si Garbo, di ba mga kosa? Papayag kaya si Purisima na si Garbo ang papalit sa kanya? Hehehe! Hindi naman kaila sa inyo mga kosa na open na ang awayan nina Purisima at Garbo. Alam n’yo naman mga kosa na super bagyo si Purisima kay P-Noy. Kapag naupo si Garbo, ang ibig sabihin kaya niyan ay lumamig na ang relasyon nina P-Noy at Purisima? Maraming tanong na ang kasagutan ay maaring sa araw na ito na mismo. Lulusot kaya ang bola-bola kamatis ni Drilon kay P-Noy para kay Garbo? Para sa akin naman, “May the best man win!” Abangan!