Ang Mantra ng Kuba
MAY maliit na pagawaan ng puto si Aning. Siya lang ang nagluluto at may tatlo lang siyang taga-lako ng puto. Tuwing umaga ay naglalagay siya ng sampung pirasong puto sa may bintana. Nakalaan iyon para ipamigay niya sa mga pulubi o taong grasa. Mula nang lumakas ang kanyang munting negosyo, naipangako niya sa kanyang sarili na mamigay ng libreng puto sa mga nagugutom na taong napadaan sa harapan ng kanyang bahay.
Ang isa pang dahilan ng pagbibigay niya ng libreng puto ay para pakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin na matagpuan na niya ang kaisa-isang anak na nawawala. Naisip niyang mas mabilis makakarating ang kanyang panalangin sa langit kung gagawa siya ng kabutihan sa kapwa.
May napansin si Aning sa isang kubang lalaki na madalas kumuha ng libreng puto. May inuusal itong salita na paulit-ulit – Ang masamang ginagawa mo, sarilinin mo, ang kabutihan ay ikalat mo para bumalik sa iyo. Para itong mantra na paulit-ulit. Isa pang puna niya sa kuba ay hindi ito marunong magpasalamat samantalang ang lahat ng kumukuha ng libreng puto ay marunong magpasalamat sa kanya. Kahit ang baliw na taong grasa ay umuusal ng maikling – Salamat – tuwing kukuha ito ng puto sa platong kinalalagyan nito.
Naaasar na si Aning sa kawalang utang na loob ng kuba kaya minsan ay nagmaldita siya. Nilagyan niya ng lason ang isang puto na ipapakain niya sa kuba. Inilagay niya ito sa isang pinggan para kapag dumating ang kuba, ito ang iaalok niya. Maya-maya ay nakonsensiya si Aning, itinapon niya sa nagbabagang uling ang putong may lason. Napahiya siya sa sarili. Bakit niya hahangarin pumatay ng tao? Magagalit ang Diyos at lalong hindi pakikinggan ang kanyang wish na makita ang anak na nawawala.
Isang araw ay ginulat siya ng isang katok. Pagbukas ng pintuan ay bumungad ang kanyang anak na halos hindi niya makilala dahil sa kapayatan.
“Inay, patawarin mo ako. Hindi po ako nakakuha ng trabaho. Inubos ko lang sa bisyo ang perang ibinigay mo. Napahiya na akong umuwi. Wala na po akong makain kaya ako ay nagkasakit. Mabuti na lang at laging may nagbibigay ng puto sa akin araw-araw. Naawa siya sa akin dahil hindi ko na maikilos ang aking katawan sa sobrang panghihina.”
Magsasalita pa sana si Aning nang naramdaman niyang dumating ang kuba para kumuha ng libreng puto. Nakita ng anak ang kuba. “Nanay, siya po ang nagbibigay ng puto sa akin araw-araw! Napakabuti niya sa akin. Siya rin ang nagpayo na umuwi na ako dito at humingi ng tawad”.
Natigalgal si Aning. Kung itinuloy niya ang planong ipakain ang putong may lason… anak niya sana ang nalason! Parang umalingawngaw muli ang mantrang inuusal ng kuba – Ang masamang ginagawa mo, sarilinin mo, ang kabutihan ay ikalat mo para bumalik sa iyo.
- Latest