NAGSALITA na si Pres. Noynoy Aquino sa bersiyon niya ng umano’y pangyayari sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 SAF commandos.
Batay sa paliwanag ni P-Noy, tanging si dating SAF Director Getulio Napeñas ang may kasalanan kaya pumalpak ang operasyon.
Ayon kay P-Noy, napakagaling daw ng presentasyon ni Napeñas sa plano ng operasyon laban sa international terrorist na si Marwan kaya nagtiwala ito na magtatagumpay ang operasyon.
Marami raw pagkukulang si Napeñas sa operasyon kaya nauwi sa trahedya ang operasyon tulad ng kawalan ng kordinasyon sa
Armed Forces of the Philippines.
Kung totoong ganito ang nagawa ni Napeñas ay marapat lang na sampahan ito ng kaukulang kaso at matanggal sa serbisyo.
Pero batay sa credentials ni Napeñas bilang mataas na opisyal ng PNP ay may sapat itong kaalaman at kakayanan upang pamunuan ang isang operasyon dahil na rin sa mga karanasan.
Sa paliwanag ni P-Noy, tila inabsuwelto nito ang sarili at si dating PNP chief Director Gen. Allan Purisima sa nasabing palpak na operasyon sa Mamasapano.
Dahil dito, marapat lang na magsalita na rin si Napeñas at upang malaman ng publiko ang kaniyang bersiyon ukol sa tunay na kaganapan sa nasabing pumalpak na operasyon.
Ayon kasi kay Napeñas ay sinabihan siya ni Purisima na ito na ang bahalang makipag ugnayan sa AFP hinggil sa koordinasyon sa nasabing operasyon.
Dapat ay idetalye na ni Napeñas ang kanyang nalalaman upang lumitaw ang katotohanan at maging daan upang makamit din ang katarungan ng SAF 44.
Ito ang magsisilbing leksiyon para hindi na muling mangyari ang mga kapalpakan sa mga susunod na operasyon ng PNP at AFP at wala nang magbuwis ng buhay ng mga pulis at sundalo dahil lamang sa kapalpakan ng kanilang mga opisyal.