MAY proposed funding na ang Freedom of Information (FOI) Bill. Inaprubahan ito noong nakaraang linggo. Ngayong aprubado na ang funding, wala nang hadlang para ipasa at lagdaan ang panukalang batas.
Si President Noynoy Aquino na lamang ang pag-asa para maipasa ang FOI. Tutal naman at sinabi niya noong 2010 na nangangampanya pa lamang na kapag nahalal siya, susuportahan niya ang FOI. Sa susunod na taon, bababa na si P-Noy sa puwesto pero wala pang nababanaag sa FOI Bill. Nakalimutan na niya ang pangako.
Kung noon pa inaprubahan ang FOI Bill, maaaring hindi nalustay ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas. Dahil walang kapangyarihan ang mamamayan na mahalungkat ang mga transaksiyong ginagawa ng government official, nagpasasa ang mga kawatan sa pondo ng bayan. Nakinabang ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles na umano’y nakapagbulsa ng P10 bilyon makaraang lumikha ng pekeng non-government organizations (NGOs). Tatlong senador ang nakakulong dahil sa anomalya sa pork barrel.
Ipasa ang FOI Bill upang mapigilan ang sinumang lulustay sa pondo ng mamamayan. Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Kung maipapasa ang FOI Bill, maaari nang magkaroon ng access ang mamamayan sa lahat ng programang ginagawa ng public officials. Malalaman na ng mamamayan kung paano ginagastos ng kanilang official ang pondo ng bayan.