MAINGAT ngayon ang mga pulitikong nababahag ang buntot. Ayaw nang madungisan pa ang pangalan nilang mababantot.
Sa mga lokal na pamahalaan, kapansin-pansin ang kanilang kaepalan, kakumagan at kakenkoyan.
Papaano ba naman kasi, kaliwa’t kanan ang mga mali pero hinahayaan lang. Pinipiling manahimik, hindi pumapalag, nakakapagtaka ang kanilang kabaitan. Malapit na talaga ang eleksyon.
Syempre nga naman, kapag nakanti nila ang kanilang mga constituent o botanteng nasasakupan, mawawalan sila ng boto. Sayang.
Tulad na lang sa Quezon City kung saan ako nakatira, kaliwa’t kanan ang mga illegal settler.Parang mga anarkiya sa bilis ng pagdami ng kanilang bilang.
Makikita ang kanilang mga istruktura sa gilid ng lansangan. Bukod pa ito doon sa mga talagang nagtayo na ng mga istruktura sa paligid ng mga magagarang subdibisyon.
Ang mga kolorum, dumadami rin. Maluwag na nakakalusot sa national highway ang mga tricycle o ipis sa lansangan. Nagkalat ang mga ilegal na terminal ng mga pampublikong sasakyan pero walang pumupuna.
Ngayong malapit na ang eleksyon, siguradong singbabait ng anghel ang mga trapong kapalmuks.
Susunod diyan, iba’t iba nilang mga pautot para magpaepal. Mga libreng tuli, libreng pakasal, libreng tsinelas at lahat ng pwede pa nilang ilibre. Sasabihing proyekto nila, serbisyo-publiko raw pero ang totoo, pera ito ng taumbayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.