EDITORYAL - Krimen ay mataas dahil sa illegal drugs

ANG pagkasugapa sa ilegal na droga ang dahilan kaya mataas ang krimen sa Metro Manila. Halos araw-araw ay may nangyayaring krimen at pawang karima-rimarim. Mayroong hinoldap na ay pinatay pa. Mayroong pinasok sa bahay at pinagnakawan pero hindi pa nagkasya ay minomolestiya o ginahasa pa ang mga kawawang babae. 

Mayroong dahil sa tindi ng kargang droga ay hino-hostage ang sariling pamilya. Mayroong addict na ama na nagtungo sa footbridge karga ang anak at tumalon doon. Patay ang kawawang bata pero ang ama ay nabuhay. Wala na sa katinuan ang mga gumagamit ng droga at pati anak na walang malay ay idinadamay. Mayroon namang lango sa droga na sinunog ang sariling bahay at naging dahilan para masunog ang iba pang bahay. Maraming drug addict sa kasalukuyan at nagbibigay ito ng pangamba sa mga residente. Hindi na ligtas ang mga tao sa gabi sapagkat nakaabang ang mga criminal na gumamit muna ng shabu para isagawa ang karumal-dumal na pagpatay, panggagahasa at iba pang krimen.

Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 92 percent ng mga barangay sa Metro Manila ay apektado ng illegal na droga noong nakaraang taon. Hindi na nakapagtataka ang report ng PDEA sapagkat matagal nang panahon na maraming drug addict sa mga barangay. Noon pa man, laganap na ang droga o shabu sa mga barangay. Inutil naman ang mga chairman ng barangay sapagkat hindi nila kayang i-monitor ang nasasakupan. Walang pagsisikap ang mga barangay kapitan para malipol ang mga nagpapakalat ng droga sa sakop na barangay. Wala nang silbi ang mga opisyales ng barangay sapagkat kahit sa tabi mismo ng barangay hall ay nangyayari ang bentahan ng shabu. At ang matindi, maski mismo si Kap ay gumagamit din ng shabu.

Makipagtulungan ang barangay sa PNP o NBI para ganap na maubos ang mga “salot na drug tra-ders”. Ang mga opisyales ng barangay ang may higit na kaalaman sa mga taong dumarating sa kanyang nasasakupan. Kung mahusay ang barangay chairman, agad niyang matutukoy ang mga bagong mukha sa barangay. Kung maisusuplong agad ang mga drug traders, tiyak na wala nang kabataang mabibiktima sa barangay. At sigurado ring wala nang krimen. Umaksiyon sana ang barangay.

 

Show comments