WALANG tigil ang ginawang pagpapaikot ni Tatang Nado sa kobra. Bawat pagpapaikot ay lumilikha nang tunog. Parang hihip nang malakas na hangin ang tunog nang pinaiikot na kobra. Nakatingin lamang si Jo sa ginagawa ng matanda. Sanay na sanay ang matanda sa ginagawa na para bang marami nang karanasan sa mapanganib na kobra.
Nang inaakala ni Tatang Nado na patay na ang kobra, binilisan ang pag-ikot at saka bumuwelo. Ubod-lakas na inihagis ang kobra na pumailanglang. Parang lubid na inihagis ito. Bumagsak ang kobra sa sanga ng punong hanagdong. Maya-maya pa, narinig ang malakas na huni ng mga uwak. Matalas ang mga mata ng mga ito na agad nakita ang kobra sa mga sanga ng hanagdong. Nagsisugod ang mga ito at nag-uunahan sa pagkuha sa patay na kobra.
Subalit mas mabilis ang isang lawin na biglang-bigla ay nakadagit na agad sa kobra. Walang nagawa ang mga uwak kundi pagmasdan ang lawin habang daklot ng mga kuko nito ang kobra. Lumayo ang lawin para lantakan ang kobra.
“Pinabilib mo na naman ako Tatang Nado. Sobra-sobra na ang ginawa mo sa akin. Iniligtas mo na naman ako sa kamatayan. Paano kita magagantihan?’’
“Wala yun, Jo. Ang pagliligtas o pagtulong sa kapwa ay hindi naghihintay ng kapalit. Kung makatutulong sa nasa panganib, gawin agad.’’
“Salamat, Tatang Nado. Kung sana ay kasama na kita sa pagbaba sa kabayanan, madali na kitang magagantihan.’’
“Huwag mo nang isipin yun, Jo. Dito na lang ako sa daigdig ko.’’
“Pero gaya nang sinabi ko, babalik ako rito Tatang Nado. Kahit ano pa ang mangyari.’’
“Okey. Pero paalala ko lang, baka may makasagupa kang kobra, he-he-he!”
“Mag-iingat na ako, Tatang Nado. At saka magdadala na ako ng armas.’’
“Okey mas mabuti.’’
Maya-maya pa, natanaw nila ang paanan ng bundok.
“Malapit na tayo Jo. Natatanaw ko na ang paanan.’’
Naglakad pa sila. Hanggang sa sapitin nila ang paanan.
“Hanggang dito na lang ako Jo.’’
“Salamat Tatang Nado. Hanggang sa muli nating pagkikita.’’
Mahigpit na niyakap ni Jo ang matanda. Matagal. Muli tahimik niyang pinangako na babalik siya rito sa bundok.
(Itutuloy)