DALAWAMPU’T TATLONG araw pa ang pinalipas bago isinauli ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga baril na kinuha sa mga pinatay na Special Action Force (SAF) commandos. At hindi pa kumpleto ang mga baril na isinauli sapagkat umabot lamang sa 16 ang isinuko ng MILF. Hindi naman masabi ng Philippine National Police (PNP) kung ilan ang mga baril na kinuha sa mga napatay na SAF. Kabilang sa mga baril na isinuko ay 13 armalite rifles, dalawang M203 grenade launcher at isang light machine gun. Ginawa ang pagsusuko ng mga armas sa Camp Siongco Headquarters, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao noong Miyerkules sa harap nina Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Teresita Deles, GPH peace negotiator Miriam Coronel-Ferrer at ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal.
Pero nang inspeksiyunin ang mga armas, hindi na raw orihinal ang ibang parte ng mga ito. May mga kulang din daw na bahagi ang mga armas. Parang tsinap-tsap ang mga armas. Marami pa raw kulang sa mga armas na pag-aari ng mga napatay na SAF. Sabi naman ni Iqbal, kung mayroon pa raw natitirang mga armas ang SAF, hahanapin daw nila at ibabalik.
Maganda na sanang pangitain sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ang pagsasauli ng mga armas pero bakit kulang-kulang ang mga ito. Bakit may mga binaklas na bahagi? At kung seryoso rin ang MILF bakit hindi pa rin ibinabalik ang mga personal na gamit ng mga pinatay na commandos gaya ng cell phone, uniporme, combat boots, at iba pa.
Kung maibababalik lahat ang mga kinuha sa SAF, maaaring magkaroon ng pagkakataong maipagpatuloy ang pag-uusap. Maaaring mapapayag na ang mga mambabatas na pag-usapan ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Ipakita ng MILF na sinsero sila sa pakikipag-usap at handang makinig para matuloy na ang nagkalamat na negosasyon.