FLASH Report: Pilit kinukuha ni Calabarzon OIC Chief Supt. Erwin Erni ang basbas ni dating Cavite Gov. Ayong Maliksi para maging permanente siya sa puwesto. Naghihinayang kasi si Erni ng P1.7 milyon kada linggo na parating ni PO3 Antolin “Jhong” Valero para sa Regional Anti-Illegal Gambling (RAIG) at sa R2. Maliban pa ‘yan ang mahigit P2 milyon na nakolekta ni SPO1 Russel “Osel” Caratian para sa hepe ng Calabarzon mismo. Reporting itong sina Caratian at Valero kay Sr. Supt. Antonio “Tony” Yarra, ang comproller ni Erni.
* * *
DAPAT ipatawag sa Senate at House hearings sa Mamasapano massacre itong sina SAF OIC Chief Supt. Noli Taliño, Col. Gener del Rosario, at Supt. Mike Mangahis kung nais ng mga pulitiko natin na malaman ang katotohanan. Sa tingin kasi ng mga kosa ko sa Camp Crame, nagsisinungaling lang ang lahat ng mga testigo na tinawag sa mga hearings, lalo na si Maj. Gen. Edmundo Pangilinan, ang hepe ng 6th Infantry Division. Kapag nagsalita itong sina Taliño, del Rosario at Mangahis, tiyak tataob sa kanyang kinauupuan itong si Pangilinan dahil pasisinungalingan nila ang lahat ng tinuran ng Army commander. Ayon sa mga kosa ko, maliwanag pa sa sikat ng araw na si sacked SAF chief Dir. Getulio Napeñas ang “fall guy” sa naturang engkuwentro dahil siya lahat ang sinisisi sa pagkamatay ng kanyang 44 tauhan. Maraming katanungan ang hindi pa nasasagot ng mga testigo, kabilang na ang role ni Pres. Aquino at kung gaano kalalim ang partisipasyon n’ya dito. Kung sabagay, halos lahat ng testigo ay nilinis na ang pangalan ni P-Noy at mukhang mahihirapan na si PNP OIC Dep. Dir. Gen. Leonardo Espina na malaman ang katotohanan at magkaroon ng hustisya ang Fallen SAF 44. Boom Panes! Hehehe! Sino kaya sa mga testigo ang magkaroon ng bayag at sabihin ang katotohanan para mabigyan katarungan o manahimik sa kanilang puntod ang SAF 44?
Ang usap-usapan sa ngayon sa Camp Crame ay alam ni Pangilinan ang kinaroroonan ng 55th SAC at 84th SAC at walang sibilyan dun sa pinangyarihan ng bakbakan. Sa totoo lang, as early as 8 a.m., nandun si Mangahis sa operations center ng Mechanized Division ng 6th ID at pina-plot nito ang location ng mga SAF commandos sa tactical map. Patutunayan ni del Rosario, ang hepe ng Mechanized Division, Taliño at Mangahis ang sitwasyon na ito at lalabas ang katotohanan at ang pagsisinungaling ni Pangilinan, anang mga kosa ko. Kung bakit hindi gumalaw ang Mechanized Division at hindi din kinanyon ang puwesto ng mga kalaban ay si Pangilinan lang ang may alam, anila pa. Ano ba ‘yan? Kung nakagalaw ang mga tropa ni del Rosario at kinanyon kaagad ang mga kalaban, malaki ang posibilidad na nabawasan ang bilang ng namatay sa hanay ng SAF natin, anang mga kosa ko sa Camp Crame. T’yak ‘yun! Hehehe! Totoo kaya ang balita na kaya di narespondehan ang mga SAF commandos ay dahil ayaw ni P-Noy makipagbakbakan laban sa MILF dahil sa kagustuhang ma-nominate sa Nobel peace prize? Pakisagot lang po!
Kung sabagay, laman na ng pahayagan na kaya sa Zamboanga itong si P-Noy ay dahil doon ihaharap sa kanya ang Malaysian terrorist na si Zulfikli Bin Hir alyas Marwan kung naging matagumpay ang pagsalakay ng SAF. Si resigned PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima naman ay ibabalik sa dating puwesto subalit bibitaw din pagkatapos malinis ang kanyang pangalan. At ang papalit kay Purisima? Walang iba kundi si Napeñas, na tinanggap na ang lahat ng sisi na ibinato sa kanya. Kung sabagay, napatay naman ng SAF si Marwan subalit kay ilap ng katotohanan. Kaya ang panalangin sa ngayon ng mga kosa ko, lalo na ‘yaong nasa SAF, ay ‘wag nang ituloy itong zarzuela sa Senado at House dahil ang namamayani lang ay puro kasinungalinan. Abangan!