ISANG 8-anyos na batang babae mula sa Ireland ang pinakabatang manlalakbay na nakarating sa North Pole.
Narating ni Jamie Donovan ang North Pole kasama ang kanyang ama na isang bihasang explorer. Hindi ininda ni Jamie ang -26 Celsius na temperature sa North Pole. Dala-dala pa nga niya ang kanyang laruang teddy bear nang marating niya ang nagyeyelong Arctic region.
Bagamat naagaw ni Jamie ang bagong world record mula sa anak ng British adventurer na si David Hempleman-Adams ay hindi pa ito opisyal dahil kailangan pa itong kumpirmahin ng Guinness World Records. Sinasabing mas bata lamang si Jamie ng isang araw sa dating world record holder.
Hindi naman inaasahan ng ama ni Jamie na makukuha ng kanyang anak ang world record dahil nagkataon lang na isinama niya ito sa kanyang pagpunta sa North Pole para sa isang marathon na gaganapin doon. Gayunpaman ay ipinagmamalaki pa rin niya nang lubusan si Jamie dahil walang kahirap-hirap na kinaya nito ang nagyeyelong klima sa North Pole.
Sa kabila ng nakapalamig na panahon, nagustuhan ni Jamie ang karanasan sa North Pole dahil gusto niyang bumalik doon. Puwede rin siyang pumunta sa South Pole upang makuha ang isa pang world record na hawak ni Jonathan Silverman na siyang pinakabatang manlalakbay na narating ang parehong polar regions ng mundo.