ANG kawalan kaya nang permanenteng hepe ng Philippine National Police ang dahilan kaya dumarami ang krimen sa Metro Manila partikular sa Quezon City. Malaking bagay kung mayroon nang bagong PNP chief para makapagbigay ng direktiba sa mga tauhan. Noong Biyernes, tinanggap na ni President Noynoy Aquino ang pagbibitiw ni Gen. Alan Purisima. Pero hanggang ngayon, wala pang inihahayag na kapalit ni Purisima. Bakit bantulot pa sa paghahayag ng bagong PNP chief? Ano pa ang hinihintay at kailangang tumagal pa ang pagtatalaga sa hepe ng pambansang pulisya?
Dumarami ang krimen at tila natutulog na naman sa pansitan ang mga pulis, partikular nga sa Quezon City na nitong mga nakaraang mga linggo ay sunud-sunod ang mga krimen. Hinahamon ba ng mga holdaper at iba pang masasamang loob ang mga pulis sa QC?
Noong nakaraang linggo, isang furniture shop sa QC ang pinasok ng mga holdaper. Iginapos ang mga empleado at nilimas ang kinita ng shop. Hindi pa nasiyahan, ginahasa pa ng mga holdaper ang isang empleada at saka walang anumang tumakas. Nakasakay sa motorsiklo ang mga holdaper. Naganap ang krimen habang nasa kainitan ang sikat ng araw. Walang nagpapatrulyang mga pulis.
Kahapon, dakong 1:30 ng hapon, isang restaurant sa Bgy. Holy Spirit, QC ang hinoldap ng nag-iisang suspect. Iginapos ang mga crew at customer. Habang isinasagawa ang panghoholdap, pumasok ang isang Koreanang customer subalit nang makita ang nangyayaring holdapan ay umatras. Pinapapasok siya ng holdaper pero tumanggi ito at nanlaban. Binaril siya ng holdaper. Nakilala ang biktima na si Mi Kyung Park, 40, residente ng Eastwood Regrant Tower.
Ayon sa mga nakasaksi, naglakad lang papalayo ang suspect matapos ang panghoholdap at pamamaril.
Naganap ang krimen sa kasikatan ng araw. Walang nagpapatrulyang pulis sa lugar.
Ano na naman ang nangyayari sa PNP? Dahil kaya walang pirmihang namumuno kaya walang pagsusumikap ang mga pulis na gampanan ang tungkulin?