Magsasaka, nakakagawa ng art sa pagpapastol sa mga alagang baka
SI Derek Klingenberg ay isang magsasaka sa Kansas, USA. Naging Youtube celebrity siya dahil sa nagawang sining sa tulong ng kanyang mga alagang baka.
Nagamit niya ang galing sa pagpapastol ng baka sa paggawa ng sining sa pamamagitan ng pag-iipon sa mga baka sa mga posisyon kung saan makakabuo ang mga ito ng isang imahe kung titingnan sila mula sa himpapawid. Nang matapos si Derek sa kanyang pagpapastol ay makikitang nakabuo ang kanyang mga baka ng ‘smiley’ o imahe ng isang mukhang nakangiti.
Naging sikat si Derek dahil in-upload niya ang video ng kanyang ginawa sa Youtube. Makikita sa video na nakasakay si Derek sa pickup truck na sinusundan ng mga baka. Naglagay si Derek ng mga pagkain sa mga posisyon kung saan kailangang nakatayo ang mga baka upang masigurado na mananatili ang mga ito sa kani-kanilang mga puwesto.
Hindi naging madali ang paggawa ng ‘cow art’ dahil makikita sa video na kinailangan ni Derek na dagdagan ang pagkain na nakalagay sa puwesto ng mga mata ng smiley dahil nagiging malikot na ang mga baka na nakapuwesto sa nasabing posisyon. Pangalawang beses na ito na nakilala si Derek at ang kanyang mga alagang baka.
- Latest