NOONG 67-anyos si Thomas Edison, nagtayo siya ng kompanyang tinawag niyang Edison Industries sa West Orange New Jersey. Isang gabi ng December 1914 ay nasunog ang building ng Edison Industries.
Habang pinapanood ni Thomas ang malaking apoy na lumalamon sa building ay tinawag niya ang kanyang anak: “Charles, tawagin mo ang iyong ina at papuntahin mo rito.”
“Bakit po?” tanong ng nagtatakang bata.
“Aba, hindi na mauulit pa ang sunog na ito, ngayon lang siya makakakita ng ganitong eksena sa buong buhay niya.”
Kinabukasan, magkasamang ininspeksyon ng mag-ama ang labi ng nasunog na building. Dinig na dinig ang buntong-hininga ng kanyang ama dahil dalawang milyon din ang halaga ng mga nasunog. Maya-maya ay nagsalita ito:
“May advantage din ang nangyaring sunog. Ang lahat ng mali kong ginawa, kagaya ng aking mga eksperimentong hindi nagtagumpay ay kasamang nasunog kaya wala nang ebidensiya ng mga katangahan kong ginawa. Salamat sa Diyos at walang masamang nangyari sa atin. May pagkakataon pang itama ang mga mali kong nagawa.”
Bunga ng magandang attitude na ito, agad nagrenta si Thomas Edison ng pansamantalang building upang ipagpatuloy ang naantalang experiment. Pagkaraan ng tatlong linggo, inilabas ng Edison Industries ang pinakaunang phonograph.
Bata pa si Charles noon pero humanga na siya sa kanyang ama na laging may nakikitang kabutihan sa mga masamang pangyayari. Hanggang sa paglaki ay bitbit ni Charles ang namanang good attitude sa ama kaya hindi nakapagtatakang isa siya sa mga hinangaang naging Governor ng New Jersey.