‘Modus sa prangkisa’
MARAMI pa rin ang naloloko sa mga iniaalok at ibinibentang prangkisa sa kabila ng moratoryo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Karaniwan sa mga biktima, salat sa kaalaman at impormasyon.
Kaya naman ang mga putok sa buhong matitigas ang mukha, malalakas ang loob, sige lang sa kanilang mga pananamantala.
Tulad na lang ng nangyari sa pobreng negosyante na lumapit sa BITAG T3.
Naisahan umano siya ng kumag na nagbenta sa kanya ng prangkisa ng taxi. Ang alok, halos kalahati lang ang presyo kumpara sa regular na presyuhan ng LTFRB.
Kagalingan daw sa pagsasalita ng dorobo ang dahilan kung bakit nakumbinsi ang biktima na pumatol sa alok na murang prangkisa.
Pero laking gulat na lang daw ng pobre nang lumabas sa beripikasyon ng ahensya, palsipikado lahat ang hawak niyang papeles na pilit lang kinopya sa orihinal na dokumento, kaya pati plaka, peke rin.
Ang problema, nakapagbigay na siya ng pera sa manggagantso na hindi na mahagilap pa sa kanyang numero.
Kaya sa mga negosyante na gustong bumili ng prangkisa at mga nagnanais magtayo ng negosyong pamasada, huwag maging adelantado at tulo-laway sa mga alok na transaksyon.
Maging praning sa mga boladas ng kausap na talpulano. Pumunta sa ahensya ng gobyernong may hurisdiksyon sa usapin upang hindi maisahan ng mga putok sa buho.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest