Imbes malinawan, lalong naguluhan
Imbes malinawan, mas lalo pa yatang naguluhan ang marami nating kababayan sa naging pahayag noong Miyerkules ni Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa Mamasapano clash kung saan 44 tauhan ng PNP-Special Action Force ang nasawi.
Nagmistula umanong nagkuwento lamang ang Pangulo, at ang ilang mahahalagang katanungan na ipinukol dito ay hindi sinagot nang direkta, may pagkakataon pa umano ang pag-iwas nito.
May sandali pang nakitaan ito nang pagkapikon sa ilang mga katanungan na ibinato ng media.
Hindi nabigyan- linaw sa pahayag ng Pangulo kung sino ang nagbigay ng ‘go signal’ sa naturang operasyon, gayung kapwa inamin nina DILG Secretary Manuel Roxas at PNP OIC Deputy Director Gen. Leonardo Espina na hindi sila naimpormahan sa naturang operasyon.
Hindi nga bat sa mga lumabas na umano’y report na si suspendidong si PNP chief Director Gen. Alan Purisima ang may kinalaman sa operasyon.
Kahapon sa arrival honors ng 42 sa 44 nasawing mga pulis sa Villamor Air Base sa Pasay naghari ang matinding emosyon mula sa mga naghihinagpis na pamilya at mga kasamahang pulis ng mga nasawing SAF.
Absent sa pagsalubong ang Pangulo, kung saan muli itong binatikos ng netizens dahil ang sinipot nito ay ang inagurasyon ng bagong planta ng kotse sa Laguna.
Imbes daw na salubungin ang mga bayaning nagbuwis ng buhay sa pagtupad sa tungkulin, inuna ang planta ng sasakyan.
Ngayon isasagawa ng mga alumni PNPA ang “Walk for Sympathy and Justice” bilang pagkondena na rin sa pangyayari sa mga tauhan ng SAF.
Malayo pa ang tatakbuhin ng usapin sa pangyayaring ito.
Hindi rin ito matatapos sa giit ng Pangulong Aquino na hintayin na muna ang isinasagawang imbestigasyon ng binuong board of inquiry dahil maging ito ay pinagdududahan ng marami dahil sa mga miyembro nito, karamihan ay kaklase raw ni Gen. Purisima.
Mas makabubuti nga siguro kung isang independent body ang bubusisi sa naturang pangyayari.
Hindi lang resulta ng imbestigasyon ang inaabang ng ating mga kababayan kundi ang hustisya sa mga nasawi at mapanagot ang mga sangkot dito sa lahat ng aspeto.
- Latest