Hustisya muna bago kapayapaan
LAHAT tayo ay naglalayong makamit ang tunay na kapayapaan sa ating bansa lalo na sa Mindanao na totoong nakaaapekto sa kabuhayan ng bansa.
Pero sa isang bansa, ang pinakamahalaga pa rin ay ang pagkakaroon ng hustisya lalo na sa mga nagiging biktima ng iba’t ibang uri ng krimen.
Kaya naman ngayon ay marami sa atin bukod sa mga kaanak ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) na makamtan ang katarungan matapos na sila ay mapatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Marahil kung simple lang ang pagkamatay ng mga kagawad ng SAF halimbawa’y nabaril at napatay sa isang pangkaraniwang engkuwentro, hindi ganun kasakit sa publiko.
Kahindik-hindik ang nangyari sa mga pinatay na SAF --- wasak ang mga mukha at katawan at pinagnakawan pa. Tinangay ang uniporme at cell phone. Masyado silang nilapastangan ng MILF at BIFF.
Dahil dito, nabawasan ang tiwala ng publiko sa MILF sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa gobyerno at kuwestiyunable ngayon ang sinseridad ng rebeldeng grupo.
Pero maari pang makabawi at makabangon ang MILF. Ito ay kung isusuko ng liderato ang kanilang mga tauhan na responsable sa pagkakapatay sa mga tauhan ng SAF.
Bukod dito, dapat magpaliwanag ang MILF kung bakit nasa kanilang teritoryo ang international terrorist.
Kapag naisuko ng MILF ang international terrorist, maaring mabura ang kuwestiyon sa sinseridad at mawala na ang balakid sa peace agreement partikular sa pag-aapruba sa Bangsamoro Basic Law na magbibigay ng awtonomiya sa mga Moro sa Mindanao.
Isantabi muna ang sisihan sa nangyari. Ang pinaka-mahalaga ay maibigay ang katarungan sa mga pamilya ng 44 na miyembro ng SAF at matatahimik ang publiko sa nasabing usapin.
- Latest