NABUNTIS ni King David ang kanyang kalaguyo kaya binigyan siya ng leksiyon ng Diyos. Nang ipanganak ang sanggol na bunga ng pagkakasala ay nagkasakit ito. Humingi si David ng tawad sa Diyos sabay hiling na pagalingin sana ang kanyang anak sa labas.. Hindi kumain ng ilang araw si David at nanatili itong nakadipa nang pahiga bilang sakripisyo upang pagbigyan siya ng Diyos na pagalingin ang kanyang anak. Ngunit si David ay nabigo. Hindi siya pinagbigyan. Pagkatapos ng pitong araw na pagsasakripisyo, ang sanggol ay namatay.
Nang malaman ni David ang sinapit ng anak ay bumangon ito sa pagkakahiga, kumain, naligo at pagkatapos ay umalis upang pumunta sa templo ng Diyos upang sumamba. Para kay David, iyon ang kagustuhan ng Diyos kaya buong puso niyang tinanggap ang lahat.
May kakilala ako na naging paladasal nang magkasakit ang kanyang ama. Araw-araw ay nagmamakaawa siya sa Diyos na sana’y pagalingin ang kanyang ama. Hanggang isang araw ay binawian ng buhay ang mahal na ama. Nagalit siya sa Diyos. Kesyo hindi totoong may Diyos, kesyo wala naman palang kuwentang magdasal at kung anu-ano pang paninisi sa Diyos. Simula noon ay itinakwil na niya ang pagiging Kristiyano. Sa kasalukuyan ay wala siyang relihiyon. Parang damong ligaw na walang kinabibilangan.
Ang kakilala kong ito ay lumaki sa layaw. Lahat ng hilingin ay ibinibigay ng magulang. Kapag hindi sinunod ang gusto ay naglalayas ng bahay. ‘Spoiled brat’ ang tawag sa kanya. She can’t take NO for an answer kaya pati sa Diyos ay bitbit pa rin ang pagiging ‘spoiled brat’.