SA edad na 16, nagawa ng Dutch na si Laura Drekker na makapaglayag nang nag-iisa sa buong mundo. Nagagawa lamang ito ng mga ekspertong manlalayag.
Taong 2010 nang simulan niya ang kanyang paglalakbay mula sa Portugal. Naglakbay siya pa-kanluran sakay ng yate ng kanyang ama na nagturo sa kanya ng mga alam niya ukol sa paglalayag.
Dinaanan niya ang Caribbean Sea, ang mga isla sa karagatang Pasipiko, Australia, at South Africa. Nagawa niyang tawirin ang tatlo sa pinakamalalaking karagatan sa mundo: ang Pacific, Atlantic, at Indian Ocean. Mula South Africa ay naglayag siya pabalik ng Caribbean upang makumpleto ang kanyang 17 buwang pag-ikot sa mundo.
Dahil sa kanyang nagawa, si Laura ang pinakabatang manlalayag na nagawang makaikot sa buong mundo ng mag-isa.
Muntik nang hindi matuloy ang makasaysayang paglalakbay ni Laura dahil noong una ay pinigilan siya ng mga kinauukulan sa Netherlands na maglayag dahil sa kanyang murang edad. Sa huli, pinayagan din siya ng korte.
Dahil sa kanyang ginawang paglalakbay, nakilala na si Laura hindi lamang sa kanyang bansa kundi pati na rin sa mga lugar na kanyang tinigilan habang naglalakbay. Nakapagsulat na rin siya ng libro ukol sa kanyang mga naging karanasan sa kanyang ginawang pag-ikot sa mundo.