Teenager sa Sierra Leone, gumawa ng sariling generator at radio station
PANGKARANIWAN na sa bayan ng Freetown, Sierra Leone ang brownout. Mabuti na lamang at nakatira sa nasabing bayan si Kelvin Dloe, isang 13-anyos na imbentor at maraming alam sa electronics.
Dahil sawang-sawa na sa kadiliman na kanilang tinitiis tuwing nawawalan ng kur-yente, gumawa si Kelvin ng sarili niyang baterya upang magkaroon ng ilaw sa kanyang tahanan. Ginawa niya ito mula sa mga materyales na karaniwang matatagpuan sa mga junk shop at ilang mga kemikal.
Nang mabuo niya ang kanyang ‘homemade’ na baterya ay nagsilbi itong generator hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi pati na rin para sa kanyang mga kapitbahay na pumupunta sa kanila para maki-charge ng kanilang mga cell phone. Dahil napaka-epektibo ng kanyang nabuong baterya mula sa basura ay hindi na kinailangan ng kanyang pamilya na bumili pa ng mga generator na ipinagbebenta sa mga tindahan.
Ang baterya rin na ito ang nagsilbing generator para sa istasyon ng radyo na kanyang itinayo upang matupad ang kanyang pangarap na maging DJ ng isang FM station. Siya ang gumawa ng sarili niyang radio transmitter at nagawa rin niyang magbigay ng trabaho para sa kanyang mga kaibigan na tinutulungan siya sa pagpapatakbo ng istasyon.
Bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa para sa kanyang bayan ay pinarangalan si Kelvin ng MIT at Harvard University na nag-imbita sa kanya para sa kanilang programa para sa mga imbentor. Si Kelvin ang sinasabing pinakabatang imbentor na naimbitahan sa kasaysayan ng nasabing programa.
- Latest