ANNOYING cousin ang tawag ng aking friend sa kanyang pinsang mahilig mangantiyaw. ‘Yun bang kakantiyawan siyang manlibre ng pagkain kung kailan nag-iipon-ipon sila sa isang family event. Kaya kung pagbibigyan niya ang kantiyaw ng pinsan, kailangan din niyang palamunin ang lahat ng naroong kamag-anak. Malaking gastos ‘yun. Ang friend ko pa naman, mas madalas na walang pera kaysa meron. Gustuhin man niyang magpauto sa kantiyaw, hindi niya magawa dahil ang pagkaing gustong ipalibre sa kanya ay mamahalin. Kaya madalas ay napapahiya siya. Akala ng pinsan niya ay ganoon lang kasimple ang ginagawa nitong pangangantiyaw sa kanya, hindi nito batid na nangpapahiya na siya.
May isa pang masamang ugali ang pinsan niyang ito na magaling mangantiyaw – kahit kailan, hindi naman ito nanlilibre. Minsan, sa isa ulit na family event, may isa silang tiya na nag-contribute ng sampung cake . May bakeshop kasi ito. Aba, umandar na naman ang ugaling pangangantiyaw ng pinsan niya. Buong kapal-apog na kinantiyawan ang tiyahin nilang nag-contribute ng cake – Auntie, mas enjoy ang pag-nguya ng cake kung may partner na ice cream.
Ngumiti ang tiyahin nila sabay sabing, “Okey, ikaw ang bumili ng ice cream. Ideya mo, bili mo?” Biglang nag-disappear ang kanyang pinsan. Nasa isandaan silang magkakamag-anak na naroon. Marami-raming gallon ng ice cream ang kailangan bilhin ng “kantiyawera” niyang pinsan.