Manong Wen (176)

HABANG tumatakbo ang traysikel ay panay ang sulyap ng drayber kina Princess at Precious. Nahalata pala iyon ni Precious.

“Ate Princess, tingin nang tingin sa atin ang drayber. Hindi kaya kasabwat ito ng lalaking nakabuntot sa akin kanina?”

“Huwag kang magpahalata Precious. Kanina ko pa rin napapansin na malikot ang mga mata niya.’’

“Paanong gagawin natin­?”

“Relaks ka lang. Dukutin mo ang hair spray mo sa bag. Magagamit natin ’yun kung sakali.’’

“Oo Ate.’’

Patuloy sa pagtakbo ang traysikel. Mabilis. Hanggang sa makarating sila sa kanilang bahay. Wala namang ginawa ang drayber.

Bumaba si Precious habang binabayaran ni Princess ang drayber. Mailap pa rin ang mga mata ng drayber.

Pagkatapos bayaran ay mabilis na bumaba si Princess. Nakatingin pa rin ang drayber. Umalis lamang ito nang pumasok na sa loob ng bakuran sina Princess at Precious.

“Kinabahan ako sa traysikel drayber na yun ah!” sabi ni Princess.

“Hindi kaya kasabwat yun ng sumunod sa akin kanina?”

“Puwede. Maaari rin naman­ na addict. Baka nati­puhan ka. Ang sexy mo kasi at ang ganda, Precious!”

Hindi nagsalita si Precious­.

Dinukot ni Princess ang susi at sinusian ang pinto. Nakatingin si Precious.

“Kinakabahan ako Ate. Baka nasa loob ng bahay natin ang mga may tangka sa atin. Baka inaabangan na tayo!”

“Huwag ka ngang nega­tibo. Masyado kang ner­biyosa!”

Nabuksan ang pinto.

Hinagilap ni Princess ang switch.

Pero bago niya nagawang mabuksan ang ilaw, mayroong humatak sa kanya at saka isinunod si Precious.

(Itutuloy)

Show comments