HINDI na bago na tuwing mayroong mga okasyon at mga mahahalagang kaganapan sa bansa, marami ang mga umi-epal.
Nakikisawsaw, angkas, sakay para lang magpasikat, magpapansin at mapansin ng taumbayan. SAS kung tawagin ito ng BITAG Live.
Papaano ba naman kasi, kontodo rin sila sa pagpapapansin. Ewan, para bang mababawasan ng isang dangkal ang mababantot nilang kasikatan kung hindi sila magsasabit ng mga basura.
Kaya ang nangyayari, sa halip na matuon ang isipan ng publiko kung ano ang saysay ng okasyon, nababaling na doon sa kaepalan ng kung sinumang talpulanong gustong sumikat.
Kaniya-kaniya silang tarpaulin. Palakihan ng mga streamer na nagpapadumi lang sa mga poste at gilid ng lansangan.
Tulad ng nauna ko nang sinabi sa aking programa nitong mga nakaraang linggo, asahan nang marami ang SAS sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas.
Katunayan, noong nakaraang taon pa marami na ang nagsampayan ng kanilang mga basura.
Kahapon, nagpaalala rin ang Malakanyang sa mga epalitiko at indibidwal na gusto rin yatang sumikat at biglang maging prominente, ‘wag samantalahin ang okasyon.
Syempre nga naman, alangan namang hindi pa nila gamitin ang papal visit na inaantabayan ng sambayanan. Sayang naman ‘yung recall o tatak na maiiwan sa isipan ni Juan at Juana Dela Cruz.
Hindi lang ang nasabing okasyon ang pilit sinasawsawan, inaangkasan at sinasakyan ng mga epal. Mahalagang, hindi tayo madala bagkus, lalo pang maging mapagmasid at magbantay.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.