Manong Wen (174)

“NAALALA ko nga ang aking ina na si Encarnacion, Princess. Iyon ang dahilan kaya ko naman naitanong kung ano ang pa­ngalan ng iyong nanay. At dahil alam ko nang Diana ang name ng nanay mo, okey na sa akin. At kaya pala Princess ang name ay dahil Diana siya. Di ba Princess Diana?’’

Nagtawanan silang da­lawa nang biglang lumabas si Precious sa kuwarto nito at nakihalo sa usapan nila. Nagtanong ukol sa pinag-uusapan nila.

“Bakit narinig ko ang pangalang Diana, Ate?’’

“Ha? A e itinanong kasi ni Jo. Naalala raw kasi niya ang Inay niya.’’

“Hmp! Ayaw ko na sanang makarinig ng name na Diana.’’ Sabi nito na nakaismid.

“Sorry, Precious. Na­ itanong ko lang naman kay Princess. Sorry kung hindi mo nagustuhan.’’

“Kuya Jo sorry din pero talagang hindi ko maiwasang hindi kumulo ang dugo kapag narinig ang name na Diana. Hindi ko mapigilan ang sarili ko Kuya Jo.’’

“Nauunawaan kita, Precious.’’

“Talagang hindi ko siya mapapatawad!’’

Hindi nakapagsalita si Jo. Nakatingin lang si Princess sa kapatid.

Maya-maya ay humikbi si Precious. Hanggang sa hindi mapigilan ang sarili.

“Kung sana ay narito siya sa piling namin, hindi marahil ako makikidnap at hindi rin nakaranas ng trauma. Grabeng trauma ang dinanas ko Kuya Jo. Alam mo bang kapag nakakakita ako ng nakabukas na van ay naaalala ko ang pangyayaring sinambilat ako at sapilitang ipinasok sa loob niyon?’’

“Nauunawaan ko, Precious. Sorry uli. Hindi na ako babanggit ukol sa nanay mo. Pangako.’’

“Salamat Kuya Jo. Maraming salamat. Mabuti ka pa nga at tinulungan kami sa aming paghihirap na magkapatid. Gayung ang aming ina ay natiis kami. Talagang hindi ko siya mapapatawad. Hindi talaga!”

(Itutuloy)

Show comments