HINDI alam nang lahat na malalagay sa panganib ang mga motorista na magpapapalit ng bagong plaka ng sasakyan dahil hindi pala ito naka- upload pa sa data ng Land Transportation Office (LTO) na pinangangasiwaan ng STRADCOM.
Kapag na-carnap ang isang sasakyan na may bagong car plate ay madali itong maibebenta ng mga sindikato at puwedeng maretoke ang papeles dahil wala pa raw sa data o sistema ng LTO.
Samantala, sana naman ay mayroong senador o kongresista ang makasilip at magpatawag ng imbestigasyon sa bagong polisiya na nag-oobliga sa lahat nang may-ari ng mga behikulo na magpalit ng plaka ng sasakyan.
Malinaw na mayroong milagro na nangyayari rito dahil bakit kailangang palitan ang lahat nang plaka ng sasakyan samantalang ang iba ay bago pa at puwede pang tumagal.
Kung gusto ng LTO na baguhin ang plaka ng sasakyan ay ilibre ito o ipatupad lang sa mga brand new na sasakyan at sa mga sira na o kupas na ang mga plaka dahil sa kalumaan.
Hindi dapat gawing mandatory ang pagpapalit ng plaka ng sasakyan at bigyan nila ng opsiyon ang mga motorista kung nais nila o hindi.
Aba’y aabot din sa P450 ang babayaran sa pagpapalit ng plaka ng sasakyan at mabigat din ito sa bulsa ng mga pangkaraniwang mamamayan na mayroong sasakyan na nagpipilit lang dahil sa pag-iwas sa problema sa sistema ng transportasyon.
Bilyong piso ang nalilikom ng LTO sa palit-plaka ng sasakyan kung kaya hindi maiiwasan ng ilan na mag-isip at magduda sa tunay na motibo nito.
May mga hinala na bahagi na ng fund raising para sa kampanya sa eleksiyon ng administration party (Liberal) ang mga ganitong proyekto.
Sana naman, imbestigahan ng Senado at Kamara de Representante ang usaping ito dahil apektado rito ang napakaraming motorista sa buong bansa.
Sa Senado kahit mayorya dito ay kaalyado ng administrasyon ay maaring may ilan pang mambabatas na kahit nasa oposisyon o hindi kasapi ng LP ay magpatwag ng pagsisiyasat dito.
Ang isa pang opsiyon ay may grupong maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang mapigilan ng TRO ang LTO sa implementasyon ng palit-plaka ng sasakyan.